“ANG ganda na ni Miles (Ocampo) ngayon, ah. Hindi nga, bakit siya gumanda ng ganyan?” Ito ang nasabi ng mga katoto na dumalo sa grand presscon ng And I Love You So, bagong seryeng mapapanood sa hapon mula sa Dreamscape Entertainment sa direksiyon nina Jon Villarin at Onat Diaz.
Gumanda nga si Miles, in fairness, nawala na ‘yung chubby look niya.
Sabi naman ng mga nakarinig na taga-Star Magic, “Siyempre po, dalaga na, nag-debut na siya kaya nagma-mature na.”
Sina Miles at Julia Barretto ang lead star sa And I Love You So kasama si Iñigo Pascual na napakasuwerte dahil lead actor agad sa kanya. Support nila sina Francis Maguindayao at PBB 737 Kenzo Gutierrez na in real life ay ex-boyfriend ni Julia.
Napansin namin na tsikahan nang tsikahan at pigil na nagkakatawanan sina Julia at Miles na hindi naman namin alam kung ano ang pinag-uusapan, mukhang may sarili silang mundo that time.
Nalaman naming super-bestfriend pala ang dalawang young actress kaya kung may mang-iintriga raw sa dalawa ay tiyak na hindi magtatagumpay, sabi ng taga-Dos na nakausap namin.
Pero mukhang wala namang iintrigahin kina Julia at Miles dahil hindi naman iisang lalaki ang type nila, hindi naman mahilig si Miles sa gimik at higit sa lahat, wala namang isyung kinasasangkutan ang huli kaya magkaiba sila. Ito siguro ang sekreto kaya sila magkasundo.
Hindi rin yata alam ng dalawang dalaga ang salitang ‘kumpetisyon’ pagdating sa pag-arte o kung sino ang magaling at hindi.
“Sobrang close po kami ni Julia,” sabi ni Miles. “Ang hirap po magpigil ng tawa lagi kapag magkaeksena kami lalo na kapag sobrang saya naming dalawa. Pero kapag ‘yung mga eksena po intense na, talagang intense kaming dalawa. Hindi kami nagpapansinan. Actually, ‘yun po ang maganda sa amin ni Julia, talagang nagtutulungan kami.”
Samantala, hindi naman itinanggi ni Miles na sa ilang taon niya sa showbiz ay medyo natagalan bago siya naging bida o dahil karamihan ay pawang supporting roles lang.
“Dumating din naman po ako sa point na ayaw ko na, parang ang tagal-tagal na. Pero mabait si Lord. ‘Binibigay ni Lord ang gusto mo. ‘Yun lang naman ang kailangan, patience lang and pray ka lang nang pray. Darating din po ang time,” pag-amin ng dalaga.
Kaya pinasalamatan ni Miles ang supporters niya na maski na hindi siya iniiwan kahit wala siyang project.
“Nakakatuwa naman po sila kahit noong before pa, nu’ng puro sitcom po ‘yung ginagawa ko, sobrang dami ng suporta nila. Ngayon, iba na ang gagawin ko. Simula nung nakita nila ‘yung trailer namin, nakakatuwa na marami akong natanggap na mga positive feedback mula sa mga tao. Nakakatuwa,” sabi ng young actress.
Samantala, napangiti sina Julia at Miles ng banggitin na para silang sina Claudine Barretto at Judy Ann Santos ngayon.
“Nakakatuwa naman po siyempre na mahalintulad kami kina Ms. Judy Ann o kaya kay Ms. Claudine, pero siyempre, napakalayo na po ng narating nila and kami po with this show po ay maipapakita namin kung ano ‘yung kaya naming ibigay, so sana po kung ano po ‘yung gusto nilang makita sa amin ay maibigay namin sa kanila (viewers),” sabi ni Miles.
Pahayag naman ni Julia na pamangkin ni Claudine, “It’s something very flattering but ang hirap isaulo no’n kasi you don’t want to pressure yourself to meet that kind of expectation. Miles and I always doing our best naman na ma-meet namin ‘yung expectation.”
O, di ba, Bossing DMB parang sina Claudine at Juday nga, isang English speaking at isang hindi.
Mapapanood na ang And I Love You So sa Lunes, Disyembre 7. Bukod kina Julia, Miles, Kenzo, Francis at Iñigo ay kasama rin sina Angel Aquino at Dimples Romana, Nikki Valdez, Dante Rivero, Jay Manalo at Tonton Gutierrez pawang batikan sa drama. At para gumaan ang takbo ng kuwento, pambalanse naman si Benjie Paras na kilalang mahusay sa pagpapatawa. (REGGEE BONOAN)