Katulad ng kaniyang stablemate na si Donnie ‘Ahas” Nietes, nais din na labanan ni two-time world title challenger Milan Melindo si pound-for-pound king Roman “Chocolatito” Gonzalez ng Nicaragua.
Paniwala ni Melindo, akma sa kaniya ang istilo ng undefeated Nicaraguan champion ngunit kailangan muna niya na makakuha ng ilang quality fights bago ituloy ang hamon.
Nitong Sabado lamang ay nagtala si Melindo ng 10-round split decision win kontra Victor Olivo ng Mexico sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City, Cebu.
“Magaling din ‘yung kalaban ko kasi wala pa siyang talo sa amateur at pro. Kaliwete din ‘yung pinaghandaan ko kaya nahirapan din ako sa adjustment kay Olivo,” ani Melindo.
Last-minute replacement si Olivo matapos umurong ang original opponent ni Melindo na si Carlos Fuentes ng Mexico dahil sa dengue.
Dalawang beses napalaban si Melindo sa world title bout ngunit sa kasamaang palad ay parehong kabiguan ang naging resulta ng nasabing mga laban.
Laglag via unanimous decision si Melindo kay Mexican world flyweight champion Juan Francisco Estrada ng Mexico noong July 2013 sa Macau bago ito yumukod via 6th round technical decision sa isa pang Mexican na si Javier Mendoza nitong nakaraang Mayo.
Sa kabila nito ay desidido pa din si Melindo na mapalaban sa world title.
“Marami akong natutunan sa parehong title fight. Importante na bawat laban ay maging exciting ang performance para mapansin hindi lamang ng fans, dapat mapansin din ng mga judge,” ani Melindo.
Ang 28-anyos na si Gonzalez (44-0, 38 knockouts) ang pumalit sa trono ng nagretiro ng si Floyd Mayweather, Jr., at kakagaling lamang sa isang 9th round TKO win laban kay Hawaiian Brian Viloria noong Oktubre sa New York.
(DENNIS PRINCIPE)