COTABATO CITY – Iginiit ni Cotabato City Mayor Japal Guiani, Jr. na mayroong mga rebeldeng tagasuporta ng international jihadist group na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Cotabato at sa mga kalapit na siyudad.

“Matagal ko na itong naririnig,” iniulat kahapon ng Notre Dame Broadcasting Company (NDBC) online news network na sinabi ni Guaini, tungkol sa pagkakaroon ng mga tagasuporta ng ISIS o IS sa siyudad.

Aniya, ipinaalam din sa kanya ng intelligence community ang tungkol sa umano’y presensiya ng isang grupo ng mga militanteng jihadist sa lungsod, at sinabing tatlo sa walong hinihinalang tagasuporta ng IS na napatay sa engkuwentro sa militar sa Palembang, Sultan Kudarat kamakailan ay nagmula sa Cotabato City.

“’Yung nangyari sa Palembang, kinumpirma nun ang impormasyong natanggap ko. May mahigit 30 estudyante ang na-recruit sa Cotabato City, at nalaman din naming ang ilan sa napatay (sa engkuwentro sa Palembang) ay galing dito sa Cotabato City,” anang alkalde.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Dahil dito, hinimok niya ang awtoridad na magsagawa ng imbestigasyon dahil, aniya, sa pamamagitan ng mga ideyolohiyang jihadist ay nagre-recruit ng mga residente kapalit ng libreng pagkain at pera.

Sa taya ni Guiani, nasa 1,000 na ang bagong na-recruit sa relihiyosong panatisismo na nagsusulong ng ideyolohiyang jihadist sa maraming lugar sa Central Mindanao, kabilang na ang Cotabato City.

Tinukoy ni Guiani ang grupong Ansar Al-Khalifa, isang grupong tagasuporta umano ng IS, na responsable sa recruitment operations sa Central Mindanao.

Kaugnay nito, nanawagan si Guiani sa mga magulang sa siyudad na ito na bantayang mabuti ang kani-kanilang anak upang maiwasang maimpluwensiyahan ng ideyolohiyang jihadist at ma-recruit sa IS.

Matatandaang may dalawang taon na ang nakalipas nang ibinunyag ng mga mamahayag ang tungkol sa sekretong recruitment at training ng mga mag-aaral na Arabic at kabataang out-of-school sa ilang lugar sa Central Mindanao at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ngunit tinawag itong “hearsays” ng lokal na pulisya, militar, at mga lokal na opisyal.

Sa Maguindanao, 2014 nang simulan ng pamahalaang panglalawigan ang pagkontra sa pagkalat ng ideyolohiyang jihadist sa pamamagitan ng isang espesyal na education program para sa daan-daang pre-elementary pupils para sa isang fully-subsidized education mula elementarya hanggang kolehiyo. (ALI G. MACABALANG)