SAMPUNG taon na ang nakalipas, taong 2005, nang iretiro ng Philippine Air Force (PAF) ang mga F-5 jet fighter nito mula sa United States. Sa panahong ito ng mga jet at iba pang paraan ng modernong gamit pandigma, pinagtiisan ng PAF ang mga luma nitong eroplanong de-elisi sa mga reconnaissance flights at pambobomba sa mga rebelde sa katimugan.
Nitong Sabado, dalawang FA-50 jet fighter ang dumating sa Clark sa Pampanga, ang una sa 12 na binili ng Pilipinas mula sa South Korea. Pinangunahan ni Secretary of National Defense Voltaire Gazmin ang mga sumalubong sa mga jet fighter sa Clark, sinabing, “Sa wakas ay nagbalik na tayo sa supersonic age.”
Ang mga bagong jet ay ipoposisyon sa Palawan, nakaharap sa South China Sea para sa pagpapatrulya sa ngayon ay kritikal nang lugar dahil sa pag-aagawan sa mga isla na inaangkin ng iba’t ibang bansa. Ngunit mayroon man o walang tensiyon—na pinagdudusahan ng Pilipinas kung ikukumpara sa kakayahan ng mga karatig-bansa sa larangan ng depensa—kinakailangan na nating pagbutihin ang ating Sandatahang Lakas sa lahat ng aspeto—sa lupa, tubig, at himpapawid.
Kaya naman nakakatuwang marinig mula kay Secretary Gazmin na inaprubahan na ni Pangulong Aquino ang hakbangin ng Department of National Defense na pumasok sa mga kontrata sa pagbili ng bansa sa susunod na tatlong taon ng dalawang frigate, mga anti-submarine helicopter, isang amphibious assault vehicle para sa Philippine Navy; at long-range patrol aircraft, close air-support aircraft, at surveillance aircraft para sa Philippine Air Force. Bukod pa ito sa mga frigate na manggagaling sa United States at bagong aircraft mula sa iba’t ibang sources.
Ang mga eroplano at mga barko ay nagkakahalaga ng malaking halaga; ang 12 FA-50 jet fighter mula sa South Korea pa lamang ay nagkakahalaga ng P18.9 bilyon. Ito ang dahilan kaya hindi tayo nakapagtatag ng isang maaasahang external defense force; umasa na lang tayo sa pangako ng Amerika na sasaklolohan tayo sakaling atakehin tayo ng ibang bansa, alinsunod sa ating defense agreement.
Nananatiling hindi prioridad ang depensa sa ating pambansang budget. Maraming pangangailangang panlipunan at pang-ekonomiya ang ating mamamayan kaya kailangang unahin ang mga ito. Sa bisa ng mandato ng konstitusyon, ang edukasyon ang dapat na paglaanan ng pinakamalaking pondo mula sa pambansang budget.
Ngunit sa mga huling nangyari—ang insurhensiya ng mga Komunista at grupong Islam at ang mga pagbabanta sa ating karapatan sa pangingisda at sa ating mga karagatan—napatunayang dapat na rin nating pagtuunan ng atensiyon ang ating limitadong kakayahan sa pagtatanggol sa bansa.
Kaya naman ang mga bagong FA-50 jet fighter ay isang katanggap-tanggap na karagdagan sa ating puwersang panghimpapawid. At inaasahan natin ang pagbili pa ng bansa ng ibang mga eroplano, helicopters, frigates, at armaments na iminungkahi ng Department of National Defense kay Pangulong Aquino.