Walang natukoy ang militar na presensiya ng international terrorist group na Islamic State (IS) sa Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri, mariing itinanggi ang napaulat na mayroon nang apat na kampo ang grupo ng mga jihadist sa bansa.

“We have not received any report pertaining to the existence of four jihadist camps as mentioned in one of the dailies,” sinabi ni Iriberri sa press conference sa Camp Gen. Emilio Aguinaldo.

Gayundin, wala pa umano silang natatanggap na intelligence report na nagbabanta ng terorismo o kung may presensiya ang IS sa Mindanao.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Umapela rin ang AFP sa publiko na ipagpatuloy lang ang araw-araw na gawain at mamuhay ng normal.

Siniguro ni Irriberi sa mga Pilipino na patuloy pa rin ang operasyon ng militar at wala umano silang natagpuang apat na kampo ng IS sa bansa.

Ito ay sa kabila ng hayagang pagsuporta ng ilang grupong militante sa Pilipinas sa IS.

Isa sa mga grupong ito ang Ansar-al-Khilafah Philippines (AKP), na nangako ng katapatan sa IS noong Agosto 2014.

Noong nakalipas na linggo, nagkaroon ng engkuwentro ang militar at AKP, na walong miyembro ng grupo ang nasawi.

Isa sa walong nasawi ay kinilalang si Ibrahim Ali, Indonesian at iniulat na senior member ng Mujahideen Indonesian Timur (MIT) na may alyansa sa IS sa Indonesia.

Subalit nilinaw ni Iriberri na ang napatay na Indonesian ay hindi miyembro ng IS at ang AKP ay hindi kaalyado ng international terrorist group kundi isa lang lawless group na sangkot sa extortion at iba pang krimen.

(Elena L. Aben)