Binibigyan ang mga employer sa pribadong sektor ng hanggang Disyembre 24 para bayaran ang 13th month benefits ng kanilang mga empleyado bilang pagtupad sa mga probisyon ng Labor Code, sinabi Department of Labor and Employment (DoLE).
Ayon kay Labor and Employment Rosalinda Baldoz, may karapatan sa bonus pay ang rank-and-file employees sa pribadong sektor anuman ang kanilang posisyon, designation, o employment status, at hindi isinasaalang-alang ang paraan ng pagbabayad ng kanilang sahod.
“The 13th month pay is required of private sector employers according to the provisions of Presidential Decree No. 851 and its Implementing Rules and Regulations,” aniya sa isang pahayag.
Ang 13th month pay ay itinatakda bilang one-twelfth (1/12) ng basic salary ng isang empleyado sa loob ng isang calendar year.
Ipinaliwanag ni Baldoz na ang basic salary ay kinabibilangan ng lahat ng remunerations o kitang ibinabayad ng employer sa isang empleyado para sa mga naibigay na serbisyo, ngunit maaaring hindi kasama ang mga cost-of-living allowance (COLA), profit-sharing payment, cash equivalent ng mga hindi nagamit na vacation at sick leave, overtime pay, premium pay, night shift differential pay, holiday pay, at lahat ng allowance at monetary benefits na hindi itinuturing, o hindi kasama bilang regular o basic salary ng mga empleyado.
“The 13th month pay must be paid on or before 24 December of every year,” aniya.
Sakop ng financial benefit ang mga manggagawa kung sila ay nagtrabaho ng kahit isang buwan sa loob ng calendar year.
(PNA)