BUTUAN CITY – Isang 73-anyos na babae ang namatay matapos masunog ang kanilang bahay nitong Martes ng hatinggabi sa Barangay Doña Helen sa Basilisa, Dinagat Islands, iniulat ng pulisya kahapon.

Ayon sa paunang ulat sa headquarters ng Police Regional Office (PRO)-13 dito, sumiklab ang sunog dakong 12:10 ng umaga at naabo ang bahay ni Leocio Villocino, 91 anyos.

Ligtas na nakalabas ng bahay si Leocio, ngunit naiwan at namatay ang may kapansanan niyang misis na si Menesia Alar Villocino, 73, ayon sa Province of Dinagat Islands (PDI) Police Provincial Office (PPO).

Ayon sa pulisya, natutulog ang mag-asawa nang mangyari ang sunog.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nagising umano si Leocio nang makitang nasusunog ang kanilang bahay, at tinangkang iligtas ang kanyang asawa, ngunit dala na rin ng katandaan ay nabigo siya.

Nasa P50,000 ang pinsala ng nasunog na bahay, habang nagsasagawa na ng magkahiwalay na imbestigasyon ang pulisya upang malaman kung may foul play sa insidente. (Mike U. Crismundo)