DAVAO CITY – Naniniwala ang awtoridad na posibleng may kasabwat ang mga nanloob sa Oro Del Sur pawnshop, at tumangay sa P1-milyon halaga ng alahas, sa Ilustre Street sa siyudad na ito nitong Sabado ng umaga, na empleyado ng establisimyento, partikular na ang security guard nito.

Maghahain ng mga kasong kriminal ang Davao City Police Office (DCPO) laban kay Manuel Rentor, security guard, na naka-duty nang salakayin ng apat na suspek—na pawang nakasuot ng helmet—ang pawnshop.

Gamit ang mga martilyo, binasag ng mga suspek ang salaming eskaparate at tinangay ang nasa P1 milyon halaga ng alahas.

Ipinatawag si Rentor ng San Pedro Police nitong Lunes upang imbestigahan sa insidente at pinagpaliwanag kung bakit hindi nito naipagtanggol ang establisimyento, at sa halip ay nakita pa sa CCTV footage na nakatayo lang sa isang sulok at nakikipag-usap pa sa isa sa mga suspek sa kainitan ng pagnanakaw.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Sa interogasyon sa kanya, inamin ni Rentor na kilala niya ang isa sa mga suspek at tinukoy ito sa pangalang “Rowell”.

Humingi rin siya ng paumanhin matapos amining kasabwat siya sa pagnanakaw, na inabot ng 30 minuto.

Sinabi ni DCPO Spokesperson Chief Insp. Milgrace Driz sa mga mamamahayag dito na maghahain sila ng mga kaukulang kaso laban kay Rentor at sa apat na suspek sa krimen.

Sinabi ni Driz na isinasagawa na ngayon ng pulisya ang malawakang pagtugis sa apat na suspek. (Alexander D. Lopez)