Sorpresang nagtungo ang Minister of Youth and Sports at Secretary General ng Russia sa Cebu City noong Martes ng gabi upang personal nitong maobserbahan at makita ang pagsasagawa ng 2015 Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission (POC-PSC)-Batang Pinoy National Championships sa Cebu City Sports Complex.

Sinabi ni POC Director at Youth Committee Chairman Romeo Magat, kasama si Pencak Silat president Celia Kiram, na personal na nagpahayag ng kanyang pagbisita si Russia Minister of Youth and Sports Dmitry Glushko na siya ring presidente ng Children of Asia Games International Committee.

“We told them during one of our international meeting about our program on youth and they were interested to see for themselves and even watch our staging of the Batang Pinoy,” sabi ni Magat. “They are supposed to see the opening of the Batang Pinoy but their schedule was mixed up with another meeting,” pagpapatuloy ni Magat.

Makakasama ni Glulshoko ang Director for Administration ng Children of Asia Games International Sports Games na si Vladimir Maksimov na kapwa nakatakdang dumating sa Martes ng gabi.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ipinaliwanag ni Magat na kabilang sa inaasahang magiging resulta ng pagbisita ng Minister of Youth and Sports ng Russia ay ang pagkakasali ng Pilipinas sa kada isang taong internasyonal na torneo na Children of Asia na halos katulad sa programa ng Batang Pinoy na para sa mga batang atletang edad 16-anyos pababa.

Inaasahan naman na mapapanood ng mga Russian sports official ang ginaganap na kampeonato ng Batang Pinoy sa iba’tibang lugar sa tinaguriang “Queen City of the South” kabilang na rin ang pagtatangka ng Cebu na maitala ang bagong Guiness Book of World Records sa pagsasagawa ng pinakamaraming taong dadalo sa arnis lesson.

Una nang natala ng Cebu City ang World Records sa largest archery lesson sa 745 estudyante at largest archery tournament na may kabuuang 13, 102 partisipante noong 2014, ang largest board game tournament na sinalihan ng 43,157 katao na naglaro ng chess nang sabay-sabay noong 2012 at ang largest dance class na sinalihan ng 7,770 katao.

Bago isagawa ang closing ceremony ngayong hapon ng Batang Pinoy National Championships ay tatangkain naman ng mahigit na 7,000 kabataan na maitala ang panibagong rekord sa pagsasagawa ng arnis. (Angie Oredo)