Umiskor ng game-high 31-puntos ang reigning MVP na si Howard Mojica na binubuo ng 24 hits, 2 blocks at 5 aces upang pamunuan ang defending men’s champion Emilio Aguinaldo College tungo sa 21-25, 25-21, 25-20, 23-25, 15-10 kahapon, kontra San Beda College kahapon sa pagsisimula ng kanilang title- retention bid sa NCAA Season 91 men’ s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nag-ambag naman ng 18-puntos ang kapwa niya beteranong si Keith Melliza sa dikdikang laro na inabot lamang ng isang oras at 39 na minuto.
Pinaulanan ng hits ng Generals ang Red Lions, 56-41, dahil na rin sa mahusay na playmaking ng setter na si Nicco Bihag na nagtala ng 41 excellent set kumpara sa 24 ng katapat na si John Carlo Desuyo.
Sa kabilang dako, nanguna naman si Alfie Mascari-as ng 15-puntos upang tumapos na topscorer para sa Red Lions.
Nauna rito, bumalikwas mula sa dalawang set na pagkakaiwan ang Arellano University para padapain ang event host, Letran, 20-25, 21-25, 25-20, 25-19, 15-12.
Nagposte si Kenneth Aliyacyac ng 23 hits, 3 blocks at isang ace para sa kabuuang 27-puntos upang giyahan ang nasabing came from behind win ng Chiefs.
Nag-ambag naman ng 15-puntos para sa tropa ni coach Sherwin Meneses, na humataw ng kabuuang 56 hits at 7 aces kumpara sa 45 at 3 ng Knights, si Laurence del Esperitu.
Nanguna naman para sa Letran si Harold Reyes na may 16-puntos.
Samantala sa ikatlong laban, winalis ng University of Perpetual Help ang San Sebastian College, 25-19, 25-20, 25-19.
Tumapos na may tig- 7 puntos sina Rey Taneo at Manuel Doliente para sa Altas habang may game 13-puntos naman si Richard Tolentino para sa Stags. (MARIVIC AWITAN)