Bukod sa pakikiharap sa mga opisyal, kay Santo Papa at sa world leaders sa France at Italy, makikipagpulong din si Pangulong Noynoy Aquino sa mga investor para hikayatin ang mga ito na mamuhunan sa bansa.
Kamakalawa ng umaga, tumulak na papuntang Paris, France si Pangulong Aquino para dumalo sa 21st Conference of Parties (COP21), na layuning buuin at pagtibayin ang isang legally binding agreement para sa climate change.
Ngayong hapon, oras sa Europe, tutulak naman ang Pangulo patungong Vatican para sa official visit at private audience kay Pope Francis.
Sinabi ni Pangulong Aquino na habang nasa France, makikipag-usap siya sa mga kilalang kumpanya doon at ipagmamalaki ang mas maaliwalas nang pagnenegosyo sa ating bansa.
Ayon kay Pangulong Aquino, sa paghikayat sa mga itong mamuhunan at magpalawak ng negosyo dito sa Pilipinas, mas dumadami ang nalilikhang pagkakataon para sa mga kababayan.
Hindi rin palalampasin ng Pangulong Aquino ang pagkakataong makasalamuha doon ang Filipino community para kumustahin sila at alamin ang kanilang mga pangangailangan, upang agarang matugunan.
“Pupunta din po ang ating delegasyon sa Vatican City. Sasaksihan natin doon ang pagbebendisyon sa imahen ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia. Dadalaw din po tayo kay Papa Francisco, upang ipaabot ang ating mga panalangin para sa bansa at sa ating mga kababayan, na alam nating malapit sa kanyang puso. Gaya ng lagi, lulubusin po natin ang pagkakataon para masagad ang benepisyo ng biyaheng ito para sa mga Pilipino,” ayon kay Aquino. (Beth Camia)