Sa halip na mabuti ang kalabasan ng pag-endorso ng PDP-Laban kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang kandidato sa pagkapangulo ay naging maasim ang reaksiyon ng taumbayan dito, lalo na ng mga Katoliko.

Sa kanyang talumpati sa Century Park Hotel kamakalawa ng gabi, ibinunyag ni Duterte na naipit siya sa trapiko nung bumisita sa bansa si Pope Francis noong Enero.

“From the hotel to the airport, alam mo inabot kami ng...limang oras. Sabi ko, bakit? Pinasarado raw,” kuwento ng alkalde.

Nung nalaman ni Duterte ang dahilan ng trapiko, sinabi niyang gusto niyang tawagan ang Santo Papa. “Pope, p******ina ka, umuwi ka na. ‘Wag ka nang bumisita dito,” mura ni Duterte.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Bagamat tumawa ang ibang supporter ni Duterte ay nagalit naman ang netizens sa social media sa pambabastos at kawalang respeto ni Duterte sa Santo Papa, na malugod na sinalubong at hinintay ng libu-libong Pilipino nang bumisita ito noong Enero.

Isang hashtag ang mabilis na nag-trending sa social media na #defendthepope, na sinimulan ng tagapagsalita ni Pangulong Noynoy Aquino na si Atty. Edwin Lacierda.

“Mayor Duterte, you can say all you want about politicians but you don’t curse my Pope Francis!” depensa nito.

Tweet ni Freddie Barangas (@FreddieJohn): “Kung gaano kabilis ako naging Belieber eh ganun din kabilis nawala ang gana ko kay Duterte.”

Hindi rin pinalagpas ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang ‘pagmumura’ ni Duterte sa Santo Papa.

Sa isang pastoral letter, sinabi ni CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na labis siyang nalulungkot at namimighati sa mga patutsada ni Duterte sa pagbisita sa bansa ng Santo Papa.

(BETH CAMIA at MARY ANN SANTIAGO)