Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na handa na itong ipatupad ang mga bagong panuntunan laban sa mga ilegal na billboard at advertising sign na itinayo sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Sinabi ni Atty. Victor Nuñez, ng MMDA Legal Division, na handa na silang ipatupad ang appellate function ng Billboard Clearance Office ng ahensiya na magrerepaso at magre-regulate sa lahat ng advertising sign sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, lalo na sa EDSA, na naglipana ang mga illegal billboard.

“Tatargetin namin ang malalaking billboard na nagsulputan na parang mga kabute sa mga kalsada na walang clearance o permit,” pahayag ni Nuñez.

Ito ay matapos ibasura ng Court of Appeals (CA) ang unang desisyon ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 58 na nagtanggal ng kapangyarihan sa MMDA na mag-isyu ng permit para sa mga billboard at advertising sign noong 2013.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“With the CA ruling, we are again given authority to implement the National Building Code provisions on billboards along major and national thoroughfares and guidelines that state setback requirements, clearances,” ayon kay Nuñez.

Lumagda na rin ang mga opisyal ng MMDA at Department of Public Works ang Highways (DPWH) ng isang memorandum of agreement, na nagbibigay ng kapangyarihan sa una na ipatupad ang mga probisyon sa National Building Code sa pag-aapruba ng mga permit at clearance sa pagtatayo at pagmamantine ng mga billboard.

Puntirya ng bagong panuntunan ng MMDA ang paglalabas ng structural at locational clearance ng mga billboard operator; nilalaman nito; at size requirement ng mga advertising sign.

Hindi rin papayagan ng MMDA ang pagtatayo ng mga billboard sa Roxas Boulevard at Macapagal Avenue habang lilimatahan ang sukat ng mga billboard na itatayo sa ibang lansangan ng Metro Manila na tutukuyin ng mga lokal ng pamahalaan.

(Anna Liza Villas-Alavaren)