NILAGDAAN ng mga negosyante sa Pilipinas noong Oktubre ang 2015 Manila Declaration bilang suporta sa programa ng gobyerno sa climate change. Partikular na sinusuportahan ng Deklarasyon ang Intended Nationally Determined Contribution (INDC) ng gobyerno, ang komprehensibong climate change agenda ng Pilipinas na isinumite na sa ginaganap na United Nations Conference on Climate Change sa Paris, France. Nagtakda ang Pilipinas ng pambansang target na bawasan ang carbon emissions ng bansa ng 70 porsiyento pagsapit ng 2030.
Sa nabanggit na Business Summit noong Oktubre, kinilala ng mga business leader sa bansa ang climate change bilang isang malaking banta sa sangkatauhan, ipinahayag ang kanilang mga inaasahang hakbangin ng gobyerno, at nagdeklara ng sarili nilang commitment laban sa climate change.
Noong nakaraang linggo, sa pulong ng may 50 leader ng negosyo at industriya sa Pilipinas, iminungkahi ni Commissioner Heherson Alvarez ng Climate Change Commission (CCC) ang isang konkretong layunin sa kanila. Hinikayat niya sila na bawasan ang kasalukuyang konsumo ng kuryente sa dalawang porsiyento bawat taon, at palitan ito ng ibang uri ng renewable energy, gaya ng mula sa hangin o sikat ng araw. Partikular na hinikayat niya sila na magkabit ng 100 kilowatts ng solar o iba pang alternatibong enerhiya sa kani-kanilang establisimyento sa susunod na tatlong taon.
Sa nakalipas na mga buwan, iba’t ibang uri ng renewable energy ang naging available sa Pilipinas. Sa Ilocos Norte, nakalilikha na ang windmills ng enerhiya para sa rehiyon. Sa pusod ng Metro Manila, ang higanteng business conglomerate na SM ay nagkabit ng mga solar panel sa bubong ng SM North EDSA sa Quezon City, isa sa tatlong pinakamalalaking mall sa bansa, upang mayroon itong pagkukunan ng sariling pangangailangan sa kuryente.
Simula sa Biyernes, Disyembre 4, inihayag ni Valenzuela Mayor Rexlon Gatchalian na ang sisimulan na ng pinakamalaking solar farm sa bansa, isang dating palaisdaan sa Barangay Isla, ang pagsu-supply ng kuryente sa Meralco. Ang 11-ektaryang solar firm ay may 32,692 solar panel na lumilikha ng 8.6 megawatts ng kuryente kada araw—sapat para sa pangangailangan ng mahigit 6,000 bahay.
Ito ang mga kongkretong hakbangin na isinasagawa upang mabawasan ang carbon emissions, sa pamamagitan ng pagbawas sa pangangailangan sa kuryenteng karaniwang nalilikha ng mga coal-fired plant sa bansa. Ang mga negosyanteng pinulong ni Commissioner Alvarez noong nakaraang linggo ay maaaring magkaroon ng kani-kanilang kontribusyon. Maaaring makatulong ang bawat tahanan; ang iba ay nagkabit na ng sarili nilang solar panels upang mabawasan ang kanilang pagdepende sa karaniwang supply ng kuryente.
Hangad ng ginaganap na Paris conference na magkaroon ng kasunduan ang lahat ng mga bansa sa mundo upang magkani-kanya ng ambag sa lahat ng kanilang magagawa para sa pandaigdigang pagsisikap laban sa climate change. Sa huli, ang mamamayan sa mga bansang ito ang dapat na magpatupad ng mga hakbangin ng kani-kanilang bansa upang maisalba natin ang ating planeta.