Iginiit ni Senator Grace Poe sa gobyerno na magtipid sa tubig at kuryente para maging huwaran ng publiko at makatulong na rin para maibsan ang epekto ng climate change.

Ang panawagan ni Poe ay ginawa matapos mabunyag sa taunang ulat ng Commission on Audit (CoA) na ang bayarin sa tubig at kuryente ng mga ahensiya ng gobyerno ay tumataas ng P1 bilyon taun-taon, at 80 porsyento nito ang napupunta sa kuryente.

Sa 2016 budget, nasa P14.13 bilyon ang hinihingi ng mga ahensiya ng gobyerno para sa tubig at kuryente. Mas mataas ito ng mahigit P1 bilyon kumpara sa P12.9 bilyon na nakalaan ngayong taon na pambayad sa tubig at kuryente.

Noong 2014, P12.30 bilyon ang budget ng gobyerno sa tubig at kuryente, P11.64 bilyon noong 2013, P10.48 bilyon noong 2012, at P9.26 bilyon naman noong 2011.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Madalas nating marinig ang gobyerno na nananawagan sa taumbayan na magtipid sa kuryente at tubig, pero ang lumilitaw ay mas magastos ang gobyerno. Dapat ang mga ahensiya ng gobyerno ay sumusunod din sa panawagan nilang ito para makabawas sa carbon footprint ng bansa, na nagiging sanhi ng pagbabago ng klima,” ani Poe.

Noong 2012, ang inilaang budget ay P9.2 bilyon lang subalit ang binayaran ay sumobra pa sa P2 bilyon.

Aniya, dapat ipatupad ang nakasaad sa Renewable Energy Act of 2008, na humihimok sa lahat na paunlarin at gamitin ang mga renewable energy resource para makatulong na mabawasan ang polusyon sa hangin, habang patuloy namang binabalanse ang pag-unlad ng ekonomiya at proteksiyon sa kalikasan.

Ayon sa senadora, baka puwedeng gumamit ng solar panel ang mga gusali ng gobyerno para makatipid ito sa kuryente.

Ang Paris Climate Change Conference ay idinaraos mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, at inaasahang dadaluhan ng mga kinatawan ng 196 na bansa, kabilang ang Pilipinas. (Leonel Abasola)