NBA_JPEG copy

Nagtala si Pau Gasol ng 18-puntos, 13 rebound at tatlong blocked shot upang tulungan ang Chicago Bulls na suwagin ang San Antonio Spurs pati na ang limang sunod nitong pagwawagi sa pagtakas ng 92-89 panalo Lunes ng gabi, Martes sa Manila.

Nag-ambag din si Jimmy Butler ng 14-puntos habang si Doug McDermott ay may 12 para sa Chicago sa pagsimula nito sa apat na larong panalo sa kanilang homecourt. Nagdagdag si Joakim Noah ng walong puntos, pitong assist at 11 rebound sa kanyang 24-minuto na paglalaro mula sa bench.

Isinagawa naman ni Gasol ang krusyal na pagblangka sa atake ni LaMarcus Aldridge na nag-drive sa natitirang 1:06 minuto ng laro bago ipinasok ang isa sa kanyang dalawang foul shots para ibigay sa Bulls ang 90-89 abante.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Sumablay ang tira ni Manu Ginobili para sa San Antonio na nagbigay daan kay Butler para sa ipasok ang dalawang free throws sa huling 10.6 segundo ng laro.

May huling pagkakataon pa ang Spurs subalit sumablay sina Kawhi Leonard at Tony Parker sa kanilang mga 3-point attempt sa huling segundo na makapagtatabla sana sa laban. Bahagya pang nablangka ang tira ni Parker mula kay Derrick Rose na kumulekta ng 11-puntos at anim na pasa.

Nagtala naman si Leonard ng 25-puntos at walong rebound para sa San Antonio habang si Aldridge ay may 21-puntos at 12 rebound. Si Parker ay may 13-puntos at 9 na assist.

Nagawa pang hawakan ng Spurs ang abante sa 73-70 matapos ang tatlong yugto bago na lamang nanuwag ang mga Bulls sa ikaapat.