CAUAYAN CITY, Isabela - Nailigtas ng pulisya ang isang limang taong gulang na bata na taga-Diliman, Quezon City, matapos itong dukutin ng yaya nitong bading at dalhin sa Isabela.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Reynaldo Ampaya, 21, ng San Isidro, Laur, Nueva Ecija, na tumangay sa biktimang pre-schooler.
Naaresto si Ampaya sa magkasanib na operasyon ng Roxas Police, Provincial Intelligence Branch ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), at Regional Public Safety Batallion matapos humingi ng tulong ang ama ng bata sa Anti-Kidnapping Task Force sa Camp Crame sa Quezon City.
Kasama umanong umalis ni Ampaya ang alaga noong Nobyembre 26, subalit hindi na bumalik ang dalawa
Dakong 8:00 ng gabi nang araw na iyon nang makatanggap ng text message ang ina ng bata at hinihingi ng suspek ang password ng laptop computer ng pamilya ng biktima at PIN ng ATM card, kapalit ng kaligtasan at paglaya ng paslit.
Nasukol ng awtoridad ang suspek sa bahay ng kapatid nito sa Lanting Roxas, Isabela. (Wilfredo Berganio)