BUTUAN CITY – Isang konsehal ng bayan ang binaril at napatay ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa Purok 5, Barangay Poblacion sa Prosperidad, Agusan del Sur, ayon sa report sa police regional command sa siyudad na ito.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Florentino P. Mabras, Jr., 65, miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) ng Prosperidad, at pangulo ng People’s Organization (PO) ng Agusan del Sur.

Nagtamo ng anim na tama ng bala ng umano’y .45 caliber pistol ang ulo at katawan ni Mabras, ayon sa paunang report sa regional command and tactical operation center ng Police Regional Office (PRO)-13.

Binaril siya ng hindi nakilalang mga suspek na magkaangkas sa isang TMX motorcycle nitong Lunes sa Purok 25, Barangay Poblacion, Prosperidad.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Gayunman, hindi tinukoy sa paunang report ng Prosperidad Municipal Police kung naglalakad ang konsehal nang atakehin ng mga salarin.

Hindi pa tukoy ng pulisya ang motibo sa krimen.

Tinitingnan naman ng mga imbestigador ang anggulo na may kinalaman ang pagpatay sa pagiging konsehal o presidente ng PO ni Mabras. (MIKE U. CRISMUNDO)