IPINAGDIRIWANG ngayon ng United Arab Emirates (UAE) ang 44th National Day (kilala rin bilang ‘Al-Eid Al Watani’).
Ginugunita ng bansa ang pormal na nationalization nito mula sa British Protectorate Treaties na nagbunsod sa pagkakapaso ng tratado ng Britain noong Disyembre 2, 1971. Ang nangyaring ito ay nagresulta sa pagkakaisang pederal ng pitong emirate at kalaunan ay pagkakatatag ng bansa noong 1971 sa ilalim ni Sheik Zayed bin Sultan Al Nahyan, na naging unang pangulo nito.
Ang selebrasyon ng National Day ngayong taon ay sisimulan sa Al Bawanish dhow race (karera ng mga bangka), at sa Al Fursan aerobatic show. Tampok sa opisyal na selebrasyon ngayong araw ang National Day Traditional Dhow Race. Sa mga eskuwelahan, ang mga bata ay magsusuot ng pang-kulturang “thoub” at “kandoora” at magtatanghal ng “youlah” at iba pang katutubong sayaw, bukod pa sa mga inorganisang paligsahang pang-kultura.
Matatag ang ugnayan ng Pilipinas at United Arab Emirates. Ang UAE ang ikalawang pangunahing destinasyon ng mga overseas Filipino worker, ngayon ay nasa mahigit kalahating milyon na, sa Middle East, kasunod ng Saudi Arabia.
Noong Pebrero 2014, bumisita sa Pilipinas si UAE Minister of Economy Sultan Bin Saeed Al-Mansouri at nakipagpulong kay Bise Presidente Jejomar C. Binay. Ang nasabing pagbisita ay higit pang nagpatibay sa ugnayang pangkalakalan ng dalawang bansa, dahil pinag-aaralan din ng UAE ang posibilidad na dagdagan ang pamumuhunan nito sa Pilipinas, partikular na sa larangan ng renewable energy.
Noong Setyembre 2013, bumisita si Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario sa UAE at nakipagpulong sa kanyang counterpart, si UAE Foreign Minister, Sheikh Abdulla bin Zayed Al Nahyan. Kabilang sa mga resulta ng pulong ang Memorandum of Understanding na lumilikha sa isang Joint Committee for Cooperation, na magpapabilis sa mga pangkalahatang programa para sa pagtutulungan ng Pilipinas at UAR sa ekonomiya, kalakalan, kultura, hudikatura, seguridad at iba pang larangan; at isang Visa Waiver Agreement for Holders of Diplomatic at Official/Special Passports.
Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng United Arab Emirates, sa pangunguna ni President Sheikh Khalifa bin Zayed al-Nahyan, at ni Prime Minister Sheikh Mohammad bin Rashid al-Maktoum, sa pagdiriwang ng kanilang 44th National Day.