Sinampahan ng kasong graft sa Office of the Ombudsman ang dalawang opisyal ng Philippine Ports Authority (PPA) kaugnay ng pagkawala ng 3,000 kaban ng bigas, na nanggaling sa Vietnam.

Kabilang sa inireklamo sa anti-graft agency sina PPA General Manager Juan Santa Ana; at Raul Santos, assistant general manager for operations.

Sa complaint affidavit ni Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) Secretary-General Benjamin de Peralta, nagsabwatan umano ang dalawang opisyal upang itago ang katotohanan sa rice smuggling issue.

Sa reklamo, nagpadala umano ang Vinafoods, Inc., supplier ng bigas mula sa Vietnam, ng 506,000 bag ng bigas sa Harbour Center Port Terminal Inc. (HCPTI) at sa South Harbor Center sa Maynila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Gayunman, natuklasan ng National Food Authority (NFA) noong nakalipas na Agosto na nabawasan ng 3,000 bags ang bigas at 503,859 na bag lang ang natanggap ng ahensiya.

Paliwanag ni Peralta, lumabag din ang mga opisyal sa RA 6713, ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Hiniling na nila sa PPA na imbestigahan ang nasabing usapin ngunit hindi umano ito pinansin ng ahensiya dahil posible umanong nakipagsabwatan ang mga akusado sa HCPTI at NFA para pagtakpan ang usapin sa pagtatago ng bigas.

(ROMMEL P. TABBAD)