Kabuuang 14 na bagong rekord ang itinala sa athletics at weightlifting kahapon kung saan iniuwi ni Gianeli Gatinga ng St. Francis of Assisi College,Taguig City ang tatlong ginto habang dalawa kay Veruel Verdadero sa ginaganap na 2015 Batang Pinoy National Championships sa lugar ng Mandaue, Danao at Cebu Sports Complex.

Pitong bagong rekord ang nabura sa athletics kung saan isa ang itinala ng 14-anyos na si Gatinga sa pagwawagi sa girls long jump sa tinalon nito na 5.30m upang tabunan ang dating rekord na 5.18m na itinala naman ni Romerose Villanueva ng Negros Occidental noong 2014 Bacolod national finals.

Naitala na rin ni Gatinga, na nakapag-uwi ng ginto sa 2015 Palarong Pambansa subalit hindi nakasama sa ginanap na 2015 ASEAN School Games sa Brunei, ang kanyang personal best sa long jump bago nito hinablot ang ikalawang ginto sa triple jump (11.64m) at ang ikatlo sa pagtulak sa Taguig sa ginto sa girls 4x100 relay (51.34s).

Dalawang ginto naman ang napanalunan ni Veruel Verdadero ng Dasmariñas City matapos itala ang bagong rekord ng tanghalin na sprint king sa pagwawagi sa boys 100m dash sa itinala na 11.40 segundo na binura ang dating 11.43 ni Mark Balejb oco ng Negros Occidental at 11.53 ni Michael Lowrence Lopez ng Cebu City.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Tinulungan din ni Verdadero ang koponan sa gintong medalya sa boys 4x100m relay sa oras na 42.20 segundo para sa ikalawa nitong ginto habang nakatakda pa itong sumabak ngayong umaga sa 200m dash para sa pagkakataong maitala ang ikatlong ginto sa sprints.

Samantala, pinabilis ni Samantha Limos ng Cebu City ang dating rekord sa girls 100m dash sa itinala nitong 12.48 segundo upang tabunan ang dating rekord ni Karen Janario ng Leyte Sports Academy na 12.53 segundo sa heats sa ginanap na 2014 Bacolod City National Championships.

Pinabilis din ni Isabel Orqueriza ng Negros Occidental ang pamantayan sa 400m matapos na tabunan ang 59.1s ni Feiza Lenton ng Leyte Sports Academy at 59.79s ni Anjelica de Josef ng Lezo, Aklan.

Itinaas ni Saira De Vera ng Pangasinan ang bagong rekord sa high jump sa 1.49 metro matapos lampasan ang 1.48 metro nina Judith Paquieroa at Leah Taltala ng Baguio City bago huling nagtala ng rekord si Joselito Hapitan mula sa South Cotabato sa 400m sa itinala na 51.5 segundo na tumabon sa 51.75s ni Mark Balejboco ng Negros Occidental.

Nagwagi naman ng ginto si Marizel Buer mula sa South Cotabato sa javelin throw sa inihagis na 39.10m na sinundan ni Cherry Mae Gudmalin ng Zamboanga (38.90m) at Jane Buenaventura mula sa One Cainta (32.88m).

Nakapagtala rin ng rekord sa weightlifting si Ernie Basalo ng Pasobolong, Zamboanga City sa boys 38kg sa binuhat na 50kg sa snatch at 58kg sa clean and jerk para sa total lift na 108kg, gayundin si Justin Luke Lorete ng Bohol sa boys 34kg sa binuhat nito na 45kg sa snatch at 52kg sa clean and jerk para sa total na 97kg.

Ang pinsan ni 2-time Olympian at 2016 Rio Olympics qualifier Hidilyn Diaz na si Kateleen Marie Diaz ng Mampang, Zamboanga City ay itinala rin ang bagong rekord sa girls 32 at 36kg division sa binuhat nito na 33kg sa snatch at 44kg sa clean and jerk para sa kabuuang 77kg.

Bumuhat naman ng dagdag na 40kg si Rosegie Amis ng Mampang, Zamboanga City sa itinala nitong rekord na 48-60=108kg upang tabunan ang sarili nitong rekord na 68kg noong 2014 sa girls 38kg.

Bagong rekord din para sa Cebu City Team A si Marjun Agad sa boys 50kg (76-95=171kg) at Leonida Cambarjan sa girls 40kg (43-54=97kg) at kay John Paolo Rivera Jr. sa boys 46kg (70-96=166kg).

Nagwagi naman ng ginto ngunit hindi rekord sina Arvin Macawili ng Angono, Rizal sa boys 42kg (60-75=135kg) at Vanessa Sarno ng girls 44kg (45-65=110kg).