ANG World AIDS Day ay ipinagdiriwang tuwing Disyembre 1 ng bawat taon upang magkaisa ang mga bansa sa laban kontra sa Human Immunodeficiency Virus/Acquired Immune Deficiency Syndrome (HIV/AIDS), kumalap ng suporta para sa mga may HIV, at alalahanin ang mga pumanaw sa mga sakit na may kaugnayan sa AIDS.
Ang World AIDS Day ay unang ginunita ng World Health Organization (WHO) noong 1988. Itinatag ang Joint United Nations Programs on HIV/AIDS (UNAIDS) sa ilalim ng WHO noong 1996 upang isulong ang kamulatan sa sitwasyon at magpatupad ng buong-taon ng pagsisikap, kabilang ang mga aktibidad sa mga komunidad at eskuwelahan, upang igiit sa kabataan ang ligtas na pakikipagtalik. Noong 2014, inilunsad ng UNAIDS ang “90-90-90”, nagtakda ng mga layunin para sa mga bansa upang maisulong ang pagpapasuri para mabatid ng 90% ng mga may HIV ang kanilang kalagayan, para 90% ng positibo sa HIV ay maisailalim sa gamutan, at para 90% ng gumagamit ng anti-retroviral medicine ay tuluyang masawata pagsapit ng 2020.
Ang multi-year theme para sa World AIDS Day simula noong 2012 ay “Getting to Zero: Zero New HIV Infections. Zero Deaths from AIDS-related Illness. Zero Discrimination.” Isang simpleng pulang ribbon ang pandaigdigang simbolo ng pakikipagkaisa sa mga may HIV at sa mga may AIDS.
Ang HIV, na umaatake sa immune system, ay maaaring mauwi sa AIDS, kapag hindi nakayanan ng katawan na labanan ang sakit o ang impeksiyon. Maaari lamang maisalin ang HIV sa pagitan ng mga tao sa pamamagitan ng direktang contact ng mucous membrane o dugo sa likido ng katawan. Noong 2014, 1.2 milyong katao sa mundo ang namatay sa AIDS at 36.9 na milyon ang may HIV. Nasa Sub-Saharan Africa ang napaulat na pinakamaraming positibo sa HIV.
Ipinaaapura ng mga world leader ang mga pagsisikap upang makatupad sa Sustainable Development Goal na matuldukan ang epidemya ng AIDS pagsapit ng 2030. Kabilang sa mga bagong inisyatibo ng WHO para matulungang maisakatuparan ang target ay ang paggamit ng mga makabagong HIV test; pagpapasadya ng paraan ng gamutan upang makatupad sa iba’t ibang pangangailangan ng mga tao; at pagkakaroon ng mas maraming paraan upang makaiwas sa sakit.
Bilang bansa na may kakaunting kaso ng HIV, sa Pilipinas ay hindi pa aabot sa 0.1% ng adult population nito ang positibo sa HIV. Sa datos noong Abril 2015, iniulat ng Department of Health AIDS Registry ang paglobo ng 24,936 na kaso, na sumasailalim na ngayon sa anti-retroviral therapy sa 22 treatment center sa bansa. Noong 2014, may kabuuang 6,011 kaso ng HIV ang napaulat, at 91% ng mga kaso ay walang sintomas nang panahong iulat, habang 543 kaso ang natukoy na AIDS na.
Ang 2011-2016 Fifth AIDS Medium-Term Plan, ang estratehiya ng bansa para sa pinaigting at komprehensibong tugon upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng HIV at AIDS, ay ipinatutupad ng Philippine National AIDS Council, ang policymaking body sa pag-iwas at pagkontrol sa AIDS, alinsunod sa Executive Order 39 at pinagtibay ng Republic Act 8504, ang Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998.