Aminado ang kampo ni former world title challenger Arthur Villanueva na nagkulang ang kanilang boxer sa huling laban nito sa Cebu.

Nitong Sabado ay nagtala ng isang split decision win si Villanueva kontra Victor Mendez ng Mexico sa kanilang 12-round main event ng pamosong “Pinoy Pride 34” sa Hoops Dome sa Lapu-Lapu City.

Ayon kay ALA chief trainer Edito Villamor, nagkaroon man ng improvement sa kilos si Villanueva, ay isang importanteng aspeto naman ang dapat tutukan ngayon ng 26-anyos na Bacolod City native boxer.

“Kulang siya sa aggressiveness. Against Mendez, madalas siyang naghintay sa set-up ng kalaban kaya matagal nakabuwelo si Villanueva. Maganda na ang kilos niya, yung side-to-side movement,” ani Villamor.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Bago ang laban kay Mendez, nanggaling sa isang masaklap na 10th round technical decision loss si Villanueva laban kay Puerto Rican McJoe Arroyo para sa bakanteng IBF superflyweight belt nitong Hulyo sa El Paso, Texas.

Natalo man si Villanueva kay Arroyo ay nakatulong pa din ang laban para madagdagan ang experience ng one-time world title challenger.

“Malaking bagay ‘yung experience sa world title fight lalo na yung laban ni Villanueva kay Arroyo na medyo controversial yung naging resulta,” ani Villamor.

Sa panalo ni Villanueva (28-1, 14 knockouts) kay Mendez ay naiuwi ng Filipino boxer ang bakanteng WBC International superflyweight belt.

“Kahit sa next fight ni Arthur, pwede na yan sa world title fight pero depende lahat sa manager namin,” dagdag ni Villamor. (DENNIS PRINCIPE)