Nangako si PBA commissioner Chito Narvasa na magdaraos pa sila ng mga karagdagang laro sa ibang bansa sa abot ng kanilang makakayanan matapos personal na maranasan ang napakainit na pagtanggap ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa nakaraang paglalaro ng PBA sa Dubai.
“We all know that our kababayans abroad don’t have much leisure time. When they come home, kasama sa kasabikan nila ang manood ng PBA. The PBA going to where they are is our way of giving back to what we call our modern-day heroes,”ani Narvasa.
“I saw it in Dubai. The reception was not just warm. They’re genuinely very, very happy just to be able to see our basketball stars,” dagdag nito.
“If we can do more activities outside the country, the better. We’ll find time to work within our schedule. Susubukin natin pagbigyan lahat.”
Katunayan, kaugnay ng kaganapang ito ay umaasa ang Clique Events, ang organizing partner ng liga sa Dubai, na makapag- host muli ng official games sa darating na PBA Commissioner’s Cup.
Sa darating na third conference, nakatakda namang bisitahin ng PBA ang Taipei.
Posible namang magdaos ng laro ang PBA sa susunod na taon sa Qatar at Saudi Arabia.
“We’ve had initial talks with the Qatar and Saudi groups. They have expressed clear intention to host PBA games. Our prospective Qatar host is the Qatar basketball federation, no less,” pahayag naman ni PBA media bureau chief Willy Marcial.
Sa mga nakalipas na taon, nakapagdaos na ng ilang mga official games ang PBA sa mga bansang Indonesia, Hong Kong at Guam. Kahit ang mga Legends games ay idinaraos na rin sa abroad.
Katunayan, kamakailan lamang ay naglaro sina Alvin Patrimonio, Jerry Codinera, Jojo Lastimosa, Kenneth Duremdes, Marlou Aquino, Bal David at Noli Locsin sa New Zealand.
Mismong ang mga PBA ball club ay batid ang kahalagahan ng paghahatid ng kasiyahan sa mga Filipino na nasa ibang bansa.
Taliwas sa nakasanayan nila dito sa bansa, binuksan ng Alaska Milk Aces sa publiko ang kanilang workouts na isinagawa noong sila’y nasa Dubai. Pinuri ni Alaska team owner Wilfred Steven Uytengsu si coach Alex Compton sa ginawa nito.
“You can feel yung pagkasabik nila makasalamuha ang kababayan nilang dinadalaw sila,” ani Alaska chief playmaker Jvee Casio.
“Nakakataba ng puso na alam mong nakapagpasaya ka ng kapwa Filipino na nasa abroad. Yon yung pakiramdam ko,” ayon naman kay Aces forward Calvin Abueva, na nakaranas na rin ng parehas na pagtangkilik ng mga kababayan sa ibang bansa nang maglaro sya para sa Gilas stint at sa Manila West team sa FIBA World Tour 3x3 finale sa Doha, Qatar.
“I’m all in for this knowing we sacrifice a little as compared to what these guys bring to our country,” ayon naman kay Sonny Thoss. (MARIVIC AWITAN)