Inalmahan ng mga motorista ang pagpapatupad ng oil price hike ng mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna ng Pilipinas Shell, ngayong Martes ng umaga.
Sa pahayag ng Shell, epektibo dakong 6:00 ng umaga ngayong Martes ay magtataas ito ng 45 sentimos sa presyo ng kada litro ng gasolina, 20 sentimos sa diesel, at 10 sentimos naman sa kerosene.
Asahan na ang pagsunod sa kaparehong dagdag-presyo sa petrolyo ng ibang kumpanya kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.
Sa datos ng Department of Energy (DoE), ang bentahan sa presyo ng diesel ay nasa P25.03 hanggang P28.48 kada litro, habang P35.15 hanggang P42.40 naman sa gasolina.
Naniniwala ang mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan na senyales na ito ng pagsisimula ng sunud-sunod na oil price hike hanggang sa pagpasok ng bagong taon, at isasangkalan na naman ang umano’y mahirap na pag-aangkat ng petrolyo dahil sa taglamig.
Noong Nobyembre 10, nagtaas ang mga oil company, na pangunguna ng “Big 3”, ng 80 sentimos sa kerosene, 75 sentimos sa diesel, at 35 sentimos sa gasolina. (Bella Gamotea)