Dating tanggapan ng Balita_(Mula sa FB ni Dr. Luis Gatmaitan) copy

SA paggunita ng anibersaryo ng BALITA, makatuturang bakasin ang mga paghamon na hinarap nito—mula nang ideklara ang martial law hanggang sa kalahatian ng dekada ‘90 nang ang halos lahat ng miyembro ng nakaraang pamatnugutan nito ay magretiro. Noon, walang maituturing na matinding hamon sa peryodismo, sapagkat kinitil ng nasabing rehimen ang kalayaan sa pamamahayag. Ang lahat ng pahayagan, na noon ay mangilan-ngilan lamang, ay umaasa sa mga ulat o press releases na nagmumula sa Malacañang.

Subalit nang sumilang ang bagong demokrasya dahil sa naganap na bloodless revolution noong 1986, sumilang ang mga peryodiko kasabay ng paghahari ng press freedom; namayagpag ang lahat halos ng uri ng babasahin, tumindi ang kompetisyon at lalong tumindi rin ang mga hamon na hinarap ng mga print at broadcast journalist.

Ang Balita, bilang isa sa mga tagapagpalaganap ng makabuluhang mga impormasyon na dapat malaman ng mga mamamayan, ay mistulang nakipagpaligsahan sa iba pang babasahin sa paglalathala ng mga sariwa at lehitimong ulat. Laging sinisikap ng pamatnugutan na itampok ang ulo ng balita o headline na kagyat na makatatawag ng pansin ng mga mambabasa; na kaagad susunggaban at babasahin ang naturang peryodiko. Kaakibat nito ang pagpili ng nagdudumilat na larawan na sapat nang makapagpaliwanag sa buong istorya ng anumang sinusubaybayan nilang pangyayari.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Laging bahagi ng unang pahina o front page ng Balita ang tinatawag na running story na tulad, halimbawa, ng hostage-taking, walang puknat na labanan ng magkakalabang puwersa ng ating mga alagad ng batas at mga rebelde, at malalagim na aksidente. Sinusubaybayan din ng mga mambabasa ang patuloy na paghagupit ng kalamidad upang mabatid ang bilang ng mga biktima at ang lawak ng pinsala sa iba’t ibang panig ng bansa.

Isa pang matinding hamon sa pamatnugutan—sa editor, reporter at maging sa mga kolumnista—ang maingat na pagsulat ng balita. Iniingatan ang mga report at komentaryo na mapanirang-puri o libelous. Ang kasong libelo ang ginagamit na armas ng mga nasasagasaan, wika nga, na kaagad nagsasampa ng libel case laban sa kinauukulang editorial staff member.

Ang sumulat nito, halimbawa, bilang dating editor-in-chief, ay laging kasama sa libel case na kinakaharap ng mga reporter. Katunayan, lagi niyang tinataglay ang isang dokumento para sa kanyang piyansa upang pangsamantalang makalaya. Ang gayong kaso ay kasabay na yatang isinilang ng mga mamamahayag. May kasabihan na hindi lehitimo ang isang peryodista kung walang libel case.

Matindi rin ang hamon hinggil sa matinong pagsulat na dapat laging isasaisip ng mga mamamahayag. Wastong pananagalog, tamang paggamit ng mga salita, wastong mga detalye at walang kaakibat na imoralidad ang marapat maging elemento ng mga ulat. Ito ang laging itinatagubilin sa mga staff member sapagkat ang pahayagang ito ay ginagamit bilang reference o sanggunian ng mga guro at mag-aaral sa kanilang mga klase. Dapat lamang itong maging katuwang sa wastong pagtuturo sa mga estudyante.

Totoo na kahit saan at kailanman, hindi maiiwasan ang mga pagkakamali sa paglalabas ng peryodiko. Subalit isang bagay ang tiyak: hindi maiiwasan ang mga kamalian; ang mga ito ay mababawasan lamang.

Bahagi rin ng mga hamon na kinakaharap ng pahayagang ito ang pagpapalaki ng sirkulasyon o bilang ng mga sipi na nililimbag at ibinebenta sa mga mambabasa. Ang mga peryodiko ay isa ring negosyo na kailangang pagkakitaan ng mga namumuhunan o kapitalista. Hindi lamang sa mga staff member nakaatang ang misyong ito kundi lalo na sa ibang departamento ng kumpanya; ang mga ito ang naglulunsad ng iba’t ibang promosyon upang tangkilikin ang alinmang pahayagan.

Sa kabila ng nabanggit na mga paghamon—na tiyak na kinakaharap din ng ibang babasahin—nakaatang sa balikat ng pamatnugutan ang laging pagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag. Dito nakaangkla ang pangunahing tungkulin ng mga miyembro ng tinatawag na Fourth Estate. Ang press freedom ang pinakamakapangyarihang sandata ng mga mamamahayag. Ito ay marapat na ipaglaban ng lahat ng media outfit sa lahat ng pagkakataon. (CELO LAGMAY)