ANIM na taon na ang nakalipas matapos ang Maguindanao Massacre noong 2009 nang 58 katao, na 32 rito ay mamamahayag, ang pinatay sa Ampatuan, Maguindanao, habang patungo sa tanggapan ng Commission on Elections sa bayan ng Shariff Aguak para maghain ng certificate of candidacy. Ang ikaanim na anibersaryo ng maramihang pagpatay ay ginunita nitong Lunes, Nobyembre 23, at marami ang naghihimutok sa napakabagal na usad ng gulong ng hustisya.
Nitong Nobyembre 27, sinimulan na ng Department of Justice (DoJ) ang preliminary investigation nito sa isa pang massacre sa Maguindanao, nang 44 na commando ng Special Action Force ang napatay sa operasyon upang dakpin ang isang teroristang Malaysian na nagtatago sa bayan ng Mamasapano. Hindi inaasahang uusad nang mas mabilis ang gulong ng hustisya sa kasong ito.
Sa massacre noong 2009, nasa 198 katao ang kinasuhan. Nililitis ngayon si Mayor Andal Ampatuan Jr. ng Datu Unsay at iba pang miyembro ng pamilya Ampatuan sa Quezon City Regional Trial Court, na itinalagang humawak sa kaso. Ang isa sa mga pangunahing akusado, si Andal Sr., ay namatay sa isang ospital noong Hulyo 17, habang nagawa namang makapagpiyansa ng isa pang akusado. Sa normal na proseso ng korte—mga paglilitis para sa pagpipiyansa ng mahigit isangdaang suspek, karamihan sa kanila ay pulis—aabutin ng maraming taon bago ganap na maresolba ang Maguindanao massacre.
Ang daan-daang katao na nagtipun-tipon sa lugar ng massacre sa Ampatuan ay nagpahayag ng magkakaibang damdamin sa ipinangako ng awtoridad na mabibigyan na ng katarungan ang mga biktima bago matapos ang termino ni Pangulong Aquino.
Umasa ang ilan, habang duda naman ang iba pa. Para kay Gov. Esmael Mangudadatu, na nawalan ng asawa, dalawang kapatid at iba pang mga kaanak noong 2009, ang pagpapanagot sa mga sangkot sa massacre ay nananatiling isang malabong panaginip.
Mas malaki naman ang hinaharap na problema ng Maguindanao massacre ngayong 2015 sa bayan ng Mamasapano. Siyamnapung akusado ang nakatala sa DoJ ngunit sinasabing mga mandirigma ng Moro Islamic Liberation Force (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at pribadong armadong grupo sa lalawigan ang mga ito. Sa 90, aapat lang ang humarap sa mga imbestigador ng DoJ, ang lahat ay may sertipikasyon mula sa MILF na nagsasaad na hindi sila mga MILF field commander gaya ng tinukoy sa kaso.
Walang mga residente sa Mamasapano nang mga panahong salakayin ito ng mga SAF commando. Nangakapuwesto ang tropa ng Army sa ilang lugar, ngunit pagala-gala ang mga pribadong armadong grupo, na malinaw na may unawaan na sa dominanteng MILF. Hindi magiging madali ang pagtunton sa 80 akusado na itinala ng DoJ. Malaking bahagi nito ay nakasalalay sa pakikipagtulungan ng MILF ngunit—kung ikokonsidera ang kawalang katiyakan ngayon ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Kongreso—masasabing wala tayong maaasahan ngayon mula sa organisasyon.
Kaya mayroon tayo ngayong dalawang Maguindanao massacre. Sa una, halos 200 suspek ang nakapiit na ngunit makalipas ang anim na taon, pinagdedesisyunan pa ang mga petisyon para makapagpiyansa at hindi pa nasisimulan ang aktuwal na paglilitis. Para sa ikalawang massacre, itinala ang 80 akusado at aapat lang ang humarap sa unang pagdinig. Kung mabagal ang pagkakaloob ng hustisya sa una, ang mahalaga ay umuusad naman ito. Sa ikalawa, napakahirap na tugisin ang mga kaaway na mandirigma sa isang lugar ng digmaan at isailalim sila sa proseso ng hudikatura para sa sibilyan.
Dapat na maging handa tayo sa mahabang paghihintay sa katarungan.