Nasungkit ni United Kingdom boxing champ Tyson Fury ang world heavyweight champion makaraang talunin nito via unanimous decision si Wladimir Klitschko sa naganap na pagtutuos ng dalawa sa Dusseldorf, Germany noong Sabado.
Hindi makapaniwala si Fury na pinaboran siya ng mga hurado kaya’t nang ianunsiyo ni Michael Buffer na siya ang panalo ay nagtatalon ito sa tuwa, sabay hubad ng kaniyang roba.
Nauna rito, nagpahayag si Fury na kung hindi matutupad ang kanyang pangarap na magtala ng panalo sa laban nila ni Klistchko ay magreretiro na siya sa boksing.
Bago ang laban, nagreklamo ang agent ni Fury na si Asif Vali sa British Boxing Board of Control at commissioner ng laban ng dalawa, dahil sa canvas sa ring na masyado umanong malambot at kung hindi ito mareresolba ay hindi nito itutuloy ang laban.
“The foam underlay is too soft. It’s five inches thick, which doesn’t help a big lad going into the ring. We’ve never seen canvas like this before. It’s too much from a healthy and safety point of view, because he can easily do his ankle,” ang pahayag ni Vali.
Magugunitang, 20-taong namayagpag si Klitschko sa heavyweight division bago nagkaroon ng lamat ang kanyang rekord. Kasalukuyang may 64 wins at apat na talo na si Klitschko.
Agad na humingi ng rematch si Klitschko. Ayon kay Klitschko, napaaga man ang deklara na magkakaroon sila ng rematch ni Fury, sigurado naman siya na masusundan talaga ito matapos na maisaayos niya muli ito sa kampo ni Fury. - Abs-Cbn Sports