Ilang tagasuporta ni Senator Grace Poe-Llamanzares ang nais gawing alternatibong kandidato sa pagkapangulo ang kanyang ina na si Susan Roces sakaling hindi makapagpalabas ng resolusyon ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng mga disqualification case laban sa senadora bago sumapit ang Disyembre 1, na palugit sa candidate substitution.
Subalit, ayon sa abogado ni Poe na si Atty. George Garcia, agad itong kinontra ng senadora.
Sinabi ni Garcia na kapag ginawa ang substitution ay mawawala na ang pagka-independent ni Poe, dahil kailangan ang party membership sa pagpapalit ng kandidato.
Aniya, naisip ng mga tagasuporta ni Poe na ihalili si Roces sa senadora dahil sa dumadaming kaso ng disqualification na inihahain laban sa huli, kabilang na ang tungkol sa usapin ng citizenship at residency nito. - Jun Fabon