Malaki ang magiging pakinabang ng may 2.8 milyong senior citizen dahil makakabilang na sila sa PhilHealth coverage, matapos na aprubahan ng Senado ang P6.78-bilyon alokasyon para sa magiging pondo sa programa.
Kabilang din sa pinondohan mula sa P3-trilyon annual budget ang pagbibigay ng P6,000 ayudang pinansiyal bawat taon sa may 1,182.914 na mahihirap na senior citizen.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang P6.78 bilyon ay mula sa P43.84-bilyon pondo na gagamitin din bilang medical insurance.
Ang paglalaan ng pondo para rito ay batay na rin sa Republic Act 10645 na inakda ni Recto, na nagsasaad na hindi kakailanganin pang magpamiyembro sa PhilHealth ng may 2.8 milyong senior citizen, at ang ibibigay na lang nila ay ang kanilang senior citizen identification card.
“We are promoting the idea that all indigent seniors 60 years old and above must be covered by the proposed allocation. The policy is No Senior Left Behind,” ani Recto. (LEONEL ABASOLA)