Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na bukas na sa mga bidder ang P3.4-milyon kontrata sa pag-iimprenta ng voters’ list na gagamitin sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016.

Dahil dito, hiniling ng Special Bids and Awards Committee (SBAC) ng Comelec sa mga bidder na mag-apply para sa eligibility upang makibahagi sa bidding ng kontrata sa pag-iimprenta ng halos anim na milyong pahina ng Election Day Computerized Voters’ List (EDVCL).

Naglaan ang gobyerno ng P3.427 milyon para sa naturang proyekto, ayon kay Atty. Jubil Surmieda, SBAC chairman.

Sa inilabas na invitation to bid, sinabi ni Surmieda na ibabatay ang bid price sa kada pahina ng printed voters’ list na hindi lalagpas sa 50 sentimo kasama na ang lahat ng gastusin, maliban sa papel na manggagaling sa Comelec.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa ilalim ng kontrata, tinukoy ng SBAC na babalikatin ng mananalong bidder ang gastusin sa mga hardware at software, consumable, expendable, technical support at iba pang incidental expense, tulad ng pagkakabit at pagmamantine ng printing equipment.

“For this purpose, the winning bidder shall be paid on the number of pages printed and the total contract may be reduced, if the actual pages of EDVCL are less than the estimated number of pages indicated in the Terms of Reference,” ayon kay Surmieda.

Binigyan ng Comelec ang mga makikilahok na bidder ng hanggang Disyembre 9 upang isumite ang mga eligibility requirement at technical proposal sa ahensiya. (Raymund F. Antonio)