Ni SAMUEL P. MEDENILLA

Mabilis dumami ang kabataang nahahawahan ng human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa sa nakalipas na sampung taon.

Batay sa huling HIV data ng Department of Health (DoH), kalahati (14,785) ng naitalang 29,079 na pasyente ng HIV sa bansa simula 1984 ay mga adult, o nasa edad 25-35.

Gayunman, binigyang-diin sa datos na mabilis na humahabol ang age group ng kabataan, o nasa 15-24 na taong gulang sa dami ng nagkakaroon ng HIV, kaya naman maituturing na silang high risk group.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

‘The age group with the biggest proportion of cases has become younger: from 2000 to 2004, it was 30-39 years; from 2005 to 2009 it was 25-34 years; and from 2010 to 2015, it was 20-29 years,” anang report.

“Notably, the proportion of the PLHIV (People Living with HIV) in the 15-24 year age group increased from 20 percent in 2005-2009 to 28 percent in 2010-2015,” saad pa sa report.

Gayunman, posible pang lumala ang trend dahil nagsimula na ring dumami ang naire-report sa DoH na kaso ng mga batang nahahawahan ng HIV mula 2010 hanggang 2015.

“From January 1984 to October 2015, 974 of the reported cases were 19 years old and below. Eighty-six percent of these children and adolescents were reported in the past five years,” anang DoH.

Gaya ng kabataang counterpart nila, karamihan (89 na porsiyento) ng mga teenager ay nahawahan ng HIV sa pakikipagtalik, kasunod ang mga naghiraman ng karayom sa paggamit ng droga (siyam na porsiyento).

Para sa mga bata, ang pagsasalin ng ina sa kanyang sanggol ang pangunahing sanhi ng HIV infection.

Nababahala sa pagdami ng kabataang nagkakaroon ng HIV, sinabi ni Health Secretary Janette Garin na pinag-aaralan na ng kagawaran ang pakikipagtulungan sa mga academic institution upang maipaabot sa sektor ng kabataan ang anti-HIV information campaign ng DoH.

Sinabi naman ni Health Undersecretary Vicente Belizario, Jr. na partikular nilang ikinokonsidera ang pagsasama ng HIV modules sa National Service Training Program (NSTP), na inaaral ng ilang estudyante sa kolehiyo.