NAKATUTOK ang buong mundo sa Paris, France ngayon, sa pagsisimula sa siyudad ng 21st Conference of the Parties of the United Nations Framework Convention on Climate Change (COP 21). Ilang araw ang nakalipas matapos ang pag-atake ng mga terorista sa Paris, may mga pangamba para sa kaligtasan ng nasa 80 pinuno ng mga bansa, kabilang si Pangulong Aquino, na dadalo sa komperensiya. Gayunman, tiniyak ng pulisya ang kanilang kaligtasan sa pagpapatupad ng malawakang hakbangin sa seguridad sa lungsod.
Ilang buwan bago ang komperensiyang ito, isinapubliko ang mga pag-aaral tungkol sa climate change, binigyang-diin ang panganib na kinahaharap ng bansa ngayon. Nagbabala pa nga ang isang ulat ng World Bank na may karagdagang 100 milyong katao ang masasadlak sa matinding kahirapan pagsapit ng 2030 kung mabibigo ang mundo na resolbahin ang matinding carbon emissions na nagdudulot ng heat waves, tagtuyot, at baha. Ang climate change ay maaaring magbunsod ng hanggang limang porsiyentong pagkalugi sa mga pandaigdigang taniman pagsapit ng 2030, hanggang 30 porsiyento sa 2080, ayon sa World Bank report. Tataas din ang presyo ng pagkain. Magkakaroon din ng epekto sa kalusugan, gaya ng pagdami ng kaso ng malaria at diarrhea.
Kahit ngayon, dahil sa tumataas na temperatura sa mundo ay nagsimula nang malusaw ang mga glacier sa Iceland at Antarctic. Kung hahayaang magpatuloy nang walang kontrol, maaari itong magbunsod upang tumaas ang dagat, babahain ang mabababang lugar, at lalamunin ng dagat ang maraming isla.
Idinagdag ng mga leader ng mga relihiyon ang kani-kanilang tinig sa panawagan ng mga bansa sa mundo na agad magsagawa ng nagkakaisang pandaigdigang pagkilos laban sa problema. Ipinalabas ni Pope Francis ang kanyang encyclical na “Laudato Si – On Care for Our Common Home”, na binabatikos ang pagkasira ng kalikasan—polusyon, kawalan ng malinis na tubig, paglalaho ng biodiversity, at pangkalahatang pagkawala ng buhay ng tao. Sa Bonn, Germany, mahigit 150 relihiyosong leader—kabilang sa kanila ang mga opisyal ng World Council of Churches—ang naglabas ng pahayag na humihimok sa mga gobyerno sa mundo na isalin ang isang magandang planeta para sa mga susunod na henerasyon. Ang mga Buddhist leader sa mundo, kabilang na si Dalai Lama, ay nagkaisa sa pagpapahayag ng apela para tigilan na ng daigdig ang paggamit ng fossil fuels, na sinisisi sa pagtaas ng pandaigdigang temperatura.
Sa Paris conference, ang mga bansa sa mundo, sa pangunguna ng China at ng United States, na sinasabing pinakamalalaking nagdudulot ng polusyon ngayon, ay inaasahang maghahayag ng kani-kaniyang programa ng mga hakbangin na isasakatuparan sa mga susunod na taon. Ang European Union at ang 28 miyembro nitong estado ay nagkasundong bawasan ng 40 porsiyento ang carbon emissions sa rehiyon pagsapit ng 2030.
Tutulong din ang EU at ang iba pang mayayamang bansa sa mga papaunlad na bansa sa pagkakaloob ng climate funding assistance sa halaga ng bilyun-bilyong dolyar at euros. Ang pangkalahatang layunin ay limitahan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura sa 2 degrees Celsius above pre-industrial levels. Umaasa ang komperensiya na maaaprubahan ng lahat ng bansa sa mundo ang isang legal na nagbubuklod na kasunduan.
Bilang bansa na labis na sinalanta ng pinakamalakas na bagyong tumama sa kalupaan, magkakaroon ng espesyal na tungkulin ang Pilipinas sa Paris conference—hindi lamang bilang biktima ng climate change. Pinamunuan ng Pilipinas ang isang Climate Vulnerable Forum, upang talakayin ang mga mungkahi sa pagpapakilos ng climate financing. Inaasahan ding maglalahad dito ng mga ideya upang maibsan ang matitinding epekto ng climate change, at makabubuo ng mga programa na magiging kapaki-pakinabang para sa mga islang bansa na nanganganib sa pagtaas ng dagat.
Napakaraming ideya, panukala, plano, target, at programa ang ilalahad at tatalakayin sa Paris sa mga susunod na araw. Umaasa tayo na sa mga desisyong mapagkakasunduan sa makasaysayang komperensiyang ito, na magkakaroon ng napakalaking epekto sa buhay ng tao at maging sa lahat ng may buhay sa planetang ito.