Ni Anna Liza Villas-Alavaren
Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsuyod sa mga abalang kalsada ng Kamaynilaan para linisin ito sa mga palaboy, pulubi, at kahit lasenggo, ilang linggo bago ang Pasko.
Sinabi ni Amante Salvador, pinuno ng MMDA Street Dweller Care Unit, na kasama ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nakapagligtas sila ng 91 indibiduwal sa isinagawa nilang operasyon sa Pasay City noong nakaraang linggo.
“Dinala ang mga palaboy sa Jose Fabella Center sa Mandaluyong City, at ‘yun muna ang pansamantalang tirahan nila,” ani Salvador.
Bukod sa mga Badjao, na may bitbit pang mga sanggol at dumayo pa mula sa malalayong lalawigan, sinabi ni Salvador na karamihan sa mga na-rescue ay mga nasa hustong gulang na nagmula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
“Sa profiling sa kanila, ang ilan sa kanila ay taga-settlement areas at bumabalik sa lansangan para mamalimos,” sabi ni Salvador.
Aniya pa, ang pangangaroling sa mga lansangan, at pagkatok sa bintana ng mga nakahintong sasakyan para mamalimos ay delikado para sa mga bata.
Sinabi pa ni Salvador na kabilang din sa mga nagkalat sa lansangan ang mga lasing na nakatulog na sa mga waiting shed at bangketa.
Aniya, paiigtingin ng MMDA ang mga operasyon nito laban sa mga palaboy habang papalapit ang Pasko.