NAKALABAN ni Gov. Vilma Santos-Recto last 2010 elections ang kasalukuyang alkalde ng Sto. Tomas na si Mayor Edna Sanchez, asawa ng dating gobernador ng Batangas.
Marami ang nag-akala na mananatiling magkalaban sina Gov. Vi at Mayor Sanchez. Pero pagkapanalo ni Ate Vi para sa kanyang ikatlong termino bilang gobernadora ay naging kasa-kasama na niya si Mayora Edna sa implementasyon ng magagandang proyekto para sa minamahal nilang probinsiya.
Kaya sa selebrasyon ng 434th Foundation Day ng Batangas ngayong Dececember 1-8 ay katuwang ni Gov. Vi si Mayor Edna sa okasyon na mismong bayan ng Sto. Tomas ang host. Siyempre, kasama na diyan ang Ala Eh Festival na sinimulan ni Ate Vi.
“This is my last Foundation Day as governor ng Batangas!” banggit pa sa amin ni Gov. Vi at idinugtong na may malalaking sorpresa pa rin siya para sa kanyang constituents.
Non-stop ang kasiyahan na mapanood ng lahat sa Ala Eh Festival. Ang biggest night ay magaganap sa December 7, ang grand finals ng Voices, Songs & Rhythm singing contest na maraming showbiz performers ang invited ni Gov. Vilma.
May nagsabi pa sa amin na isa sa talagang inire-request ng mga taga Sto. Tomas ay makarating sana sa bayan nila ang presidential sister at Queen of All Media na si Kris Aquino.
“Vilmanian naman si Kris, kaya sana maimbitahan siya ni Gov. Vi at hindi siya matatanggihan nu’n,” sey ng isang empleyado ng Sto Tomas Municipal Hall.
Samantala, muling tumanggap ng karangalan bilang public servant ang multi-awarded Star for All Seasons. Si Gov. Vi
ang pinangaralang Best Governor ng Gawad Sulo ng Bayan for 2015. —Jimi Escala