Inaprubahan na ni Pangulong Aquino ang hiling ng Department of National Defense (DND) na bigyan ng awtorisasyon si Defense Secretary Voltaire Gazmin na pumasok sa multi-year contract (MYC) sa pagpapatupad ng pitong proyekto sa modernisasyon ng militar, na nagkakahalaga ng P44 bilyon.
Ito ang inihayag ni DND Undersecretary for Finance, Munitions, Material and Modernization Fernando Manalo sa seremonya sa pagsalubong sa dalawang FA-50PH fighter jet sa Clark Air Base sa Pampanga noong Sabado.
“PNoy (President Aquino) has approved the request of DND for SND to be authorized to enter into Multi-Year Contract,” pahayag ni Manalo.
Aniya, ang MYC ang magbibigay-daan sa pagbili ng dalawang frigate para sa Philippine Navy, anti-submarine helicopter, amphibious assault vehicle, long range patrol aircraft, close air support aircraft, munitions para sa FA-50 at air surveillance equipment para sa Philippine Air Force.
Babayaran ang mga modernong military hardware simula 2015 hanggang 2018.
“Ang kabuuang halaga ng pitong proyekto ay aabot sa P44 bilyon,” ani Manalo.
Ang MYC ang magiging susi upang maipagpatuloy ng kagawaran ang proyekto sa modernisasyon para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nang lampas sa termino ni Pangulong Aquino sa 2016. (Elena L. Aben)