BALEWALA pala kay Pangulong Noynoy itong reklamong “tanim bala” sa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Maliit na porsiyento lamang daw kasi ang naiulat na mga kasong ganito sa napakaraming pasahero sa paliparan.

Pinalalaki lamang, aniya, ng media ang isyung ito na sinasakyan naman ng iba.

Dating Manila International Airport (MIA) ang NAIA. Dito mismo pinaslang si Senator Ninoy Auino, ama ni Pangulong Noynoy, sa panahong sa kalupitan na lang nabubuhay ang diktadurya ng rehimeng Marcos.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Bumalik siya mula sa Amerika upang samahan ang mamamayan sa laban na ginagawa nila para ibagsak ang diktadurya. Sa pagkamatay niya, sumulpot sa hanay ng sambayanan ang samahang “Ja-Ja”, Justice for Aquino, Justice for All. Nakamit ng lahat ang katarungan nang sa mapayapang paraan, nabuwag ng taumbayan ang diktadurya. Ipinangalan kay Ninoy ang MIA bilang alaala sa ginawa niyang pakikibaka laban sa diktadurya at pag-aambag ng kanyang buhay sa kilusan ng mamamayan para matuldukan ito.

Ang katarungang ipinaglaban ng mamamayan sa panahon ng diktadurya ay walang ipinag-iba sa katarungang ipinaglalaban ng mga pasaherong tinaniman ng bala ang bagahe. Ito rin ang katarungang iginawad ng sambayanan kay Ninoy nang ipangalan sa kanya ang paliparan. Makatarungan ba iyong lagyan mo ng bala ang bagahe ng mga pasahero upang gipitin mo sila at makikilan? Sa panahon pa naman na sila ay nagmamadali nang makalipad. Kahit iilan lang ang mga itong nabiktima ng modus ay hindi nagbabago ang uri ng katarungang hinihingi nila at nararapat para sa kanila. Mahalagang ihayag ang nangyayari sa kanila upang mabatid ng kinauukulan, para gumawa ng hakbang upang masawata ito. Mahalaga ring malaman ng taumbayan, upang sa pamamagitan ng kanilang pinag-isang opinyon ng pagkokondena ay mapigil ito.

Papel ng media ang ipaalam sa lahat ang hindi magandang nangyayari at nararanasan ng mamamayan. Trabaho ng media ang ilahad ang abuso ng mga nasa gobyerno. Iyong puna ng Pangulo na pinalalaki ng media ang isyu ng tanim bala ay higit na mabuti kaysa naitatago ito. Sa kadiliman kasi malayang nalalapa ng buwitre ang kanyang biktima. (RIC VALMONTE)