BINIBIGYANG-PUGAY ng bansa ang buhay at mga ideyalismo ni Andres Bonifacio, ang Dakilang Karaniwang Tao, sa ika-152 anibersaryo ng kanyang pagsilang ngayong Nobyembre 30. Siya ang Supremo ng Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK), ang sekretong samahan na kanyang itinatag noong Hulyo 7, 1892, na naglatag ng pundasyon para sa Unang Republika ng Pilipinas, at nagbunsod sa Sigaw sa Pugad Lawin na nagsimula ng rebolusyon laban sa Espanya.
Kinilala ang kanyang makasaysayang tungkulin bilang “Ama ng Rebolusyon sa Pilipinas”, na pinangunahan ang mga Pilipino patungo sa kalayaan, pinagtibay ng Lehislatura ng Pilipinas ang Act No. 2760 noong Pebrero 23, 1918, at inaprubahan ang pagpapatayo ng monumento bilang pagbibigay-pugay sa kanya. Sa bisa ng Act No. 2946 na pinagtibay noong Pebrero 16, 1921, iprinoklama ang Nobyembre ng bawat taon bilang Araw ni Bonifacio upang gunitain ang kanyang mga pagpupunyagi para sa kalayaan at demokrasya. Pinili ang jury noong Agosto 29, 1930, sa disenyo ni National Artist Guillermo Tolentino, sinimulan ang pagpapagawa sa 45-talampakang Monumento ni Bonifacio, ang pinakapopular na landmark ng Caloocan City.
Ang Monumento ni Bonifacio ang pangunahing pagdarausan ng selebrasyon ngayong araw, bukod pa sa isasagawa sa Bonifacio Shrine sa Liwasang Bonifacio (Plaza Lawton) sa Maynila; sa lugar na roon binitay si Bonifacio, at ngayon ay isa nang ecotourism park, ang Mt. Nagpatong sa Maragondon, Cavite; at sa kanyang rebulto sa harap ng Tutuban station sa Tondo, ang lugar na kanyang sinilangan. Magkakaroon ng 21-gun salute, mag-aalay ng bulaklak, may parada, tribute, at fireworks. Ipinangalan sa kanya, magsasagawa rin sa Bonifacio Global City sa Taguig City ng mga trade at food fair, art at cultural shows, at maagang Christmas sale.
Naulila noong binatilyo, tumigil sa pag-aaral si Bonifacio at pumasok sa iba’t ibang trabaho upang suportahan ang kanyang pamilya. Ang asawa niya ay si Gregoria de Jesus. Bagamat hindi nakatapos ng pormal na edukasyon, natuto si Bonifacio sa sarili niyang sikap. Ayon sa mga historian, mahilig magbasa si Bonifacio; ang koleksiyon niya ng mga libro ay kinabibilangan ng History of the French Revolution, Lives of American Presidents, Les Miserables, The Wandering Jew, at mga libro tungkol sa batas.
Noong 1892, sumapi siya sa La Liga Filipina ni Dr. Jose P. Rizal, at si Rizal ang nagsilbing inspirasyon ni Bonifacio, ng Katipunan, at ng Rebolusyon. Matapos madakip si Rizal, muling binuhay ni Bonifacio ang La Liga, at itinatag ang Katipunan. Lumaki ang samahan sa pagkakaroon ng mahigit 30,000 Katipunero. Pinangunahan sila ni Bonifacio sa pagpunit sa kanilang mga sedula, at pagdedeklara ng kalayaan mula sa Espanya noong Agosto 23, 1896. Natalo siya ni Heneral Emilio F. Aguinaldo sa pagkapangulo ng gobyernong rebolusyonaryo sa Tejeros Convention. Siya at ang kanyang kapatid na si Procopio ay binitay sa Mt. Nagpatong noong Mayo 10, 1897.
Noong 1918, sa panahon ng pananakop ng Amerika, isang grupo ang naghanap sa labi ni Bonifacio, at natagpuan ang kalansay sa isang tubuhan sa Cavite, at pinaniniwalaang pag-aari ito ng bayani. Ang kalansay, ilang dokumento at mga personal na gamit ay inilagak sa National Library, ngunit nawaglit dahil sa malawakang pinsala sa Digmaan sa Maynila noong 1945.