NGAYON ang ika-152 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, ang nagtatag ng Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK). Hindi ito ang KKK (kaibigan, kabarilan, kaklase) ni Pangulong Aquino. Marahil naman ay kilala ng mga estudyante at kabataang Pilipino kung sino si Bonifacio, hindi tulad ng nakalulungkot na pangyayaring hindi nila kilala si Apolinario Mabini, ang Dakilang Lumpo.
Si Ka Andres ay tinawag na “The Great Plebian” na nagpasimuno sa mga Katipunero na punitin ang kanilang sedula bilang simbolo ng hindi pagkilala sa gobyernong Espanyol noon na labis ang pang-aapi sa sambayanan.
Kung buhay si Bonifacio ngayon, tiyak na isa siya sa magpoprotesta sa desisyon ni PNoy na hindi pagtibayin ang panukalang pababain ang income tax ng mga ordinaryong manggagawa. Sa Kamara, hinamon ng mga kongresista na kabilang sa Independent Bloc ang pamunuan ng Kongreso na huwag payagang maging rubber stamp ng Pangulo ang kapulungan.
Ang paghamon ay ginawa ng Independent Bloc matapos ihayag ni PNoy na ang pagbabawas ng buwis ay “fiscally irresponsible” at isang “pogi bill” lang umano ng mga mambabatas dahil panahon ng halalan. Bilang reaksiyon, inihayag ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. na hindi na kasama sa priority agenda ng Mababang Kapulungan ang income tax reduction bill, at ito ay hindi na tatalakayin sa plenaryo. Kawawang mga Pinoy sa administrasyon ni PNoy!
Nanindigan ang Pilipinas na ang pag-angkin ng China sa West Philippine Sea (South China Sea), batay umano sa kanilang kasaysayan o historic rights na “nine-dash line”, ay walang basehan at ilegal. Ang argumentong ito ay isinusulong ng Filipino panel, na pinamumunuan ni Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario, sa pagdinig ng Permanent Court of Arbitration sa Hague, Netherlands. Malakas ang batayang legal ng Pilipinas at walang lusot dito ang dambuhalang China.
Tungkol naman kay Boy Urong-Sulong na ngayon ay puwedeng bansagan bilang Boy Dahilan, sinabi niyang dapat magtayo ng maraming funeral parlor upang magkasya ang mga bangkay ng drug pushers kapag siya ang naging presidente. Naniniwala si Mayor Rodrigo Duterte na sa pamamagitan nito, tuluyang mapapawi ang problema sa droga sa bansa.
Ang ganito bang pahayag ay magagawa nina VP Jojo Binay, Sen. Grace Poe, Sec. Mar Roxas at Sen. Miriam Defensor Santiago? (BERT DE GUZMAN)