Ni BEN R. ROSARIO

Paano kung babaero, mahilig sa inuman, at pabor sa pagpatay ang maging susunod na presidente ng Pilipinas?

Kung survey ang pagbabatayan, welcome na welcome sa mga Pilipinong botante sa Metro Manila ang isang gaya niya. At pinaniniwalaang matatalino ang karamihan sa botante sa Metro Manila.

Matapos manguna sa huling presidential survey sa Metro Manila, sa pakikipag-usap ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa mga mamamahayag na nakabase sa National Capital Region (NCR) na bumisita sa kanya sa Davao City, ay inamin niyang may tatlong babae ngayon sa kanyang buhay, na nakapatay na siya ng masasamang tao, at pakikipag-inuman ang paborito niyang bonding activity sa kanyang mga kaibigan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Magtayo ka na ng funeral parlor, huwag lang high-end, ha,” sinabi ni Duterte sa isang babaeng reporter nang tanungin kung magpapatuloy ang mga pagpatay kapag nahalal na pangulo ang alkalde.

Idinaan ng alkalde sa biro ang tugon niya nang usisain ang kanyang paninindigan sa death penalty, kasabay ng babala na handa siyang pumatay ng 100,000 kriminal kapag nahalal siyang pangulo, kung ito ang kinakailangan.

Kung maluluklok na presidente sa susunod na taon, sinabi ni Duterte na tututukan niya ang “criminality and graft and corruption” sa unang 100 araw niya sa Malacañang.

“I will not try to look clean here. I have my dark side, the usual – women, killing, they are but normal. I am the mayor here, I engage them in gunfights. I really kill them.”

Sinabi rin ng alkalde na sa aspetong pisikal ay kayang-kaya pa niyang pamunuan ang bansa, at ang mga babae sa kanyang buhay ang magpapatunay nito.

“Ask my women, I have three. I am not kidding,” sagot ni Duterte, sinabing hindi niya kailangang magmalinis dahil ayaw niya “to die a hypocrite”.

“You should know your president,” giit pa ni Duterte.

Sa kabila ng lantaran niyang pagsuporta sa pagpatay sa mga kriminal, sinabi ng alkalde na naniniwala siya sa Diyos; iginiit na kung gugustuhin ng Lumikha sa kanya ay magiging pangulo siya ng bansa.

Ngayong araw, Bonifacio Day, nakatakdang iproklama ni Duterte ang kanyang kandidatura bilang opisyal na pambato ng PDP Laban sa pagkapangulo.

Ayon kay Manny Piñol, isa sa mga pangunahing tagasuporta ni Duterte, magkakaroon ng simpleng pagtitipun-tipon ng mga opisyal at tagasuporta ng partido sa Century Park Sheraton Hotel sa Maynila.

May ulat ni Ali G. Macabalang