Inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Col. Restituto Padilla na walang indikasyon na mayroong ugnayan ang grupong Ansar Kalifah Philippines (AKP) sa international terrorist organization na Islamic State (IS).
Ito ang paglilinaw ng AFP matapos na isang armadong grupo ang nakasagupa ng militar sa Palembang, Sultan Kudarat, na walo sa mga bandido ang napatay.
Bukod sa mga nasawing miyembro ng AKP, narekober din ng mga sundalo ang ilang improvised explosive device (IED), iba’t ibang communication equipment, mga dokumento at ilang bandera ng IS.
Nakasagupa ng Marine Battalion Landing Team 6 (MBLT6) at ng 1st Marine Brigade ng Joint Task Force (JTF) ng Central at Western Mindanao Command ang grupo ni Muhammad Jaafar Maguid, alyas “Tokboy”, isang bomb expert.
Pinamunuan ni Lt. Col. Armand Custodio, ng MBLT6, ang laban sa mga bandido.
Ayon kay Padilla, ang grupo ni Tokboy ang nanguna sa AKP, sa pagpapahayag na may kaugnayan ito sa IS at sa iba pang extremist group.
Ngunit sinabi ni Padilla na wala silang nakitang basehan na may nabuong alyansa ang AKP at IS.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang operasyon ng militar laban sa iba pang miyembro ng AKP sa Western Mindanao.
Batay sa report, may 40 tauhan lang ang AKP, na posibleng naghati-hati sa maliit na grupo upang lituhin ang awtoridad. (Fer Taboy)