Tuloy ang bangayan ng mga anak ng dalawang dating Pangulo ng bansa.

Ito ay matapos hamunin ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si Pangulong Aquino na humingi ng paumanhin sa mamamayan”kung sa tingin mo ay may ginawa kang mali bilang Pangulo ng Pilipinas.”

‘’Maybe if he feels na talagang tapat siya, na mayroon siyang pagkukulang o pagkakamali bilang Pangulo, then he should apologize for those things,’’ pahayag ni Marcos sa programang “Executive Session” sa DZRH.

Ang pahayag ni Bongbong ay buwelta sa hamon ni PNoy na mag-sorry ang anak ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos sa mga Pinoy dahil sa mga pang-aabusong nangyari noong panahon ng batas militar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ipinaalala rin ni PNoy, nag-iisang anak na lalaki ni yumaong Pangulong Corazon Cojuangco Aquino, kay Bongbong ang pagmamalupit sa mamamayan noong panahon ng diktaduryang Marcos, na tampok sa kalulunsad na librong “The Aquino Legacy: An Enduring Narrative.”

“Upon hearing this. I really had to ask myself; When you cannot admit a mistake, are you not guaranteeing the repetition of that mistake? Perhaps this book can help to enlighten him and add to his knowledge of the past,” patutsada ni PNoy kay Bongbong.

Ang ama ni PNoy na si yumaong Senator Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. ay dating mortal na kalaban sa pulitika ng yumaong Pangulong Marcos.

Subalit pinatay si Sen. Ninoy pagbalik niya sa bansa mula sa Amerika noong Agosto 1983, at ibinuhos ng mamamayan ang sisi sa administrasyong Marcos ang insidente.

Hanggang ngayon, patuloy pa ring hinahadlangan ni PNoy na mabigyan ng hero’s burial at maihimlay sa Libingan ng mga Bayani si Pangulong Marcos, na pumanaw habang naka-exile sa Hawaii noong 1989. (Mario Casayuran)