“Ayokong umuwi ng luhaan.”
Ganito ang naging mindset ni University of Santo Tomas (UST) skipper Kevin Ferrer noong Game Two ng best-of-3 finals series nila ng Far Eastern University (FEU) kaya sinikap nitong ipanalo ang Tigers na matagumpay naman niyang nagawa para itabla ang serye at makapuwersa ng winner-take-all Game Three.
Tinalo ng Tigers ang Tamaraws, 62-56, para itabla ang duwelo sa 1-1 na sinaksihan ng may 21,993 katao sa Araneta Coliseum noong Linggo ng hapon.
Bago ang nasabing laban ay naganap din ang awards rites para sa mga top individual peroformer ng season kung saan runner-up si Ferrer sa naging season MVP na si Kiefer Ravena ng Ateneo de Manila University na ibinahagi naman ang natanggap na parangal sa kanya at itinuring siyang co-MVP.
Nakakuha rin ng dagdag na inspirasyon mula sa kaibigan na highschool pa lamang ay katunggali na niya sa loob ng court kaya’t ipinakita ni Ferrer kung bakit sya karapat-dapat sa nasabing pagturing sa kanya ng kaibigan.
Sa third quarter natapos ang paghahabol sa unang dalawang quarter ay sumiklab ang mga kamay ni Ferrer at nagtala ng 24-puntos, kabilang na rito ang anim na 3-point shots para masapawan ang buong FEU squad sa scoring 24-11 at ibigay sa Tigers ang 47-41 kalamangan papasok g fourt period.
Sa naturang quarter, tanging si Louie Vigil lamang ang nag-iisa pang Tiger na nakapag-ambag ng dalawang puntos.
“Nasa isip ko rin kasi ngayon, ayokong umuwi ng luhaan,” pahayag ni Ferrer.
Kasunod nito ang pangakong dadalhin ang kaparehas ding mindsset sa Game Three na magaganap sa Miyerkules sa MOA Arena. - Marivic Awitan