ANG apat na Advent candle, tulad ng Advent wreath, ay may mga simbolo rin at kahulugan. Ang unang kandila ay simbolo ng PAG-ASA bilang paghahanda sa pagdating ng mananakop at ito ay tinatawag din na Prophet’s candle. Ang ikalawang kandila naman ay nangangahulugan ng PAG-IBIG at tinatawag naman itong Betlehem’s candle. Ang ikatlong kandila na kulay rosas ay tinatawag na Sheperds’ candle na simbolo naman ng KAGALAKAN. Ito ay sinisindihan sa ikatlong Linggo ng Adbiyento na tinatawag na GAUDETE Sunday o Linggo ng Kagalakan. Simbolo naman ng KAPAYAPAAN ang ikaapat na kandila na tinatawag na Angels’ candle na tumutukoy sa pagpapahayag ng kagalakan ng mga anghel sa pagsilang kay Hesus. Ang ikaapat na Linggo ng Adbiyento ay tinatawag na LAETARE Sunday.
Sa panahon ng Adbiyento, ang suot ng mga pari sa pagdaraos ng kanilang pagmimisa ay kulay violet. Maging sa iba’t ibang ritwal sa simbahan, ang casulla ng pari violet din. Sa kanilang homily, ang mga mananampalataya ay tinatawagan na maghanda sa pagdating ni Kristo, ang Dakilang Mananakop at hinihiling na magbago para sa kanilang kabutihan.
Walang nakababatid kung kailan nagsimula ang liturgical Advent. Ngunit sinasabi ng Simbahan na ito’y ibinatay sa isang synod (pagpupulong) sa Saragosa, Spain noong 380 B.C. Ang Council of Saragosa noon ay nagsabi na ang Adbiyento ay ang paghahanda ng tatlong linggo para sa kapistahan ng Epiphany o ng Tatlong Hari. Isang natatanging paghahanda sa mga nagbalik-loob na isinasagawa ng simbahan. At ayon naman sa ibang historian, ang observance ng Adbiyento ng mga Kristiyano ay mababasa sa mga liturgical book sa Spain at France noong ikaapat na siglo.
May nagsasabi naman na ang unang record ng Roman observance ng Adbiyento ay naganap noong ikalimang siglo. Ito ay sa panahon ni Pope Gelasius (492-496). Napag-alaman din na sa apat na linggong paghahanda ay nag-aayuno (fasting) ang mga Kristiyano.
Ang apat na Linggo ng Adbiyento ay laging may kaugnay na mga tradisyon at kaugalian sa iba’t ibang bansa. May nagdaraos ng iba’t ibang seremonya at ritwal sa mga simbahan. Sa pagsisimba ay nagsusuot ng makukulay na damit ang mga tao. May nagdadala naman ng manika at masayang tinutugtog ang mga organ sa mga simbahan.
Sa ating makabagong panahon, may mga pamilya na naglalagay ng Advent wreath sa loob ng kanilang tahanan kasama ang apat na kandila. Nagsasagawa rin ng spiritual reading bilang bahagi ng pakikiisa sa Advent season. May mga parokya naman na nagdaraos ng Advent recollection na bahagi rin ng pakikiisa sa panahon ng Adbiyento. Ang apat na Linggo ng Adbiyento ay sagisag at panahon ng paghihintay nating mga Kristiyanong Katoliko sa kapanganakan ng Banal na Mananakop. Isang makulay at makahulugang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko o pagsilang ng Anak ng Diyos na may hatid na pag-asa, pag-ibig at kapayapaan sa sangkatauhan. (CLEMEN BAUTISTA)