SILANG, Cavite - Limang tao ang kumpirmadong namatay habang 55 iba pa ang nasugatan sa magkahiwalay na aksidente na kinasangkutan ng dalawang bus sa Aguinaldo Highway sa Barangay Lalaan I, sa bayang ito noong Sabado ng gabi.

Ayon kay Supt. Robert R. Baesa, officer-in-charge ng Silang Police, batay sa mga paunang ulat, may apat na namatay, tatlo sa mga ito ay babae, sa unang aksidente na kinasangkutan ng isang Del Monte Land Transportation Bus (DLTB) Co., isang trailer-truck at dalawang kotse.

Kinilala niya ang apat na nasawi na sina Claro Bautista Gonzales, Jamaera Escover Fenol, ng Bgy. Kaytitinga, Alfonso, Cavite; Ruby Briones Rangerl, ng Lian, Batangas; at Margarita Agquiz Vidal, ng Bgy. Taklang Anak, Calaca, Batangas.

Si Gonzales ang driver ng DLTB Co. bus habang pasahero naman niya sina Fenol, Rangerl, at Vidal.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa isang pahayag, sinabi ni Baesa na may 51 iba pang pasahero ng bus ang nasaktan, ang ilan sa mga ito ay malubha, sa karambola ng apat na sasakyan dakong 7:30 ng gabi nitong Sabado, sa lugar ng Aguinaldo Highway-Lalaan, na madalas pangyarihan ng aksidente.

Hindi agad na nakuha ang mga pangalan ng mga nasugatan dahil isinugod ang mga ito sa magkakaibang ospital sa Silang, at sa mga lungsod ng Tagaytay at Dasmariñas, ayon kay Baesa.

Ayon sa pulisya, aksidenteng nasalpok ng Peterbilt Tractor Head truck ang DLTB bus, na bumangga naman sa isang Nissan Sentra at sa isang Kia Rio.

Inaresto ang driver ng truck na si Joseph de los Santos Fabregar, 44, ng Binangonan, Rizal.

Sa kaparehong lugar, dakong 10:27 ng gabi nitong Sabado, isa pang bus ang sumalpok sa isang sports utility vehicle (SUV), na bumangga naman sa isang tindahan at sa apat na katao sa lugar, na ikinamatay ng isa sa mga ito.

Kinilala ni Baesa ang nasawi na si Ace Perez Mulitas, 29, computer programmer, at residente ng Bgy. Bucal, Silang.

Hindi na umabot nang buhay si Mulitas sa Ospital ng Tagaytay.

Sugatan naman sina Marlon Olguera Magbuo, inspektor ng DLTB bus; Crister Law Perea Alvarez, 32, seaman; at La Verne Oliver Teofilo Perea, data analyst. Dinala rin sa nabanggit na pagamutan ang tatlo.

Ayon sa report sa pulisya, nawalan ng preno ang Kersteen Bus (DXG-839) na minamaneho ni Larry Lacson Negro, 44 anyos, at bumangga ito sa Chevrolet Captiva Wagon (NLQ-694) na minamaniobra ni Manolito Bragat Baring. Napinsala rin ang tindahan na pag-aari ni Marcelyn Benitez Bautista.

Dinakip ng pulisya si Negro.

Nangyari ang aksidente habang nagsasagawa ng clearing ang awtoridad sa lugar matapos ang unang aksidente.

(ANTHONY GIRON)