PARIS, France – Napaulat na interesado ang ilang kumpanya sa France na mamuhunan sa sektor ng business process outsourcing (BPO) sa Pilipinas dahil sa kahanga-hangang pagsigla ng ekonomiya at matatag na fiscal condition ng bansa.

Sinabi ni Philippine Ambassador to France Ma. Theresa Lazaro na 13 chief executive officer (CEO) mula sa mga pangunahing blue chip French company ang interesadong kuhanin ang serbisyo ng mga Pilipino sa mga sangay ng kani-kanilang BPO.

“In March, they want to visit the country and look at the prospects. These are top, top French companies and this is very good news,” sinabi ni Lazaro sa panayam ng media isang araw bago ang working visit ni Pangulong Aquino sa France.

Gayunman, hindi tinukoy ni Lazaro ang pangalan ng mga nasabing French company.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Paliwanag ni Lazaro, iba’t ibang kumpanya sa France ang naghahanap ng bansang mapaglalagakan ng kanilang puhunan dahil sa pagtamlay ng ekonomiya ng France. Ayon kay Lazaro, kinikilala ng mga kumpanyang ito ang Pilipinas bilang pinakaakmang bansa para mamuhunan matapos na lumago ang ekonomiya ng bansa ng 7.2 porsiyento.

“It’s a business thing so nakita nila the Philippines is a very good place to invest,” ani Lazaro.

Dagdag pa niya, ikinokonsidera rin ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) ang Pilipinas bilang isa sa mga ekonomiyang pinakamabibilis lumago sa Asia, sa projected growth na anim na porsiyento hanggang sa 2020. - Genalyn D. Kabiling