SINISIMULAN ngayon ng Simbahan sa Pilipinas ang selebrasyon nito ng Taon ng Eukaristiya at ng Pamilya. Sa pastoral letter nito noong 2012, na may titulong “Live Christ, Share Christ”, hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Pilipinong Katoliko na maghanda para sa pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa baybayin ng ating bansa noong 1521. Binigyang-diin ng mga obispo ang mga tema para sa novena sa loob ng ilang taon—siyam na taon ng paghahanda para sa masuwerteng ecclesial event na ito. Bawat taon, iniimbitahan ang mga mananampalataya na pagnilayan at pagtuunan ng pansin ang pastoral priority ng Simbahan. Ang taong 2013 ay itinuon sa Integral Faith Formation. Ang 2014 ay inilaan para sa laity. At ang 2015 ay taon para sa mahihirap. Ngayon, tututukan naman ng simbahan ang Eukaristiya at ang pamilya.
Ang temang napili para sa pagdiriwang na ito ay: “The Filipino Family: Missionary Disciples of the Eucharist.”
Pinagsasama-sama tayo ng Eukaristiya upang makibahagi sa buhay ng Santisima Trinidad, ang pinagmumulan ng pagkakaisa at pag-ibig. Ang Eukaristiya ay isang pagkain ng pag-ibig—pagmamahal ng Diyos para sa atin na nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Hesus, sa gabay ng kapangyarihan ng Espiritu. Sa ating paghahati-hati sa isang tinapay at sa isang kalis ni Hesus, napatatatag at napagkakaisa ang ating mga pamilya. Pinagbubuklod tayo ng Eukaristiya sa pagmamahalan at pagkalinga sa isa’t isa. Sa Eukaristiya natin nasusumpungan ang pag-aaruga at katatagan bilang isang pamilya habang nahaharap tayo sa mga suliranin, pagsubok, at tukso. Ang Diyos kay Kristo, sa pamamagitan ng Eukaristiya, ang naghihilom sa ating mga nasirang relasyon, sa ating mga sugatan at nagdurugong puso na dulot ng ibang tao.
Ngayon, higit kailanman, ang ating mga pamilya ay dapat na dumulog sa Eukaristiya bilang pagmumulan ng pagmamahal at malasakit para sa isa’t isa. Sinabi ni Pope Francis, sa isa sa kanyang mga katekismo tungkol sa pamilya sa lingguhan niyang pakikiharap sa publiko, na pinagkakalooban ng Eukaristiya ang mga pamilya ng karanasan ng pagiging isa at nagbubukas sa biyaya ng universal coexistence, para sa pagmamahal ng Diyos sa mundo. Sinabi niya: “Through the participation in the Eucharist, the family is purified of the temptation to be closed in on itself; it is strengthened in love and fidelity, and stretches the boundaries of brotherhood according to the heart of Christ.”
Sa pagsisimula natin ng selebrasyon ng Taon ng Eukaristiya at ng Pamilya, isaisip natin ang mga pahayag na ito ni Pope Francis. Nawa’y magtulungan ang ating mga pamilya, sa gabay ng Diyos na ipinagkakaloob sa atin sa Eukaristiya na, ayon sa Papa, ay may kapangyarihang lumikha ng lagi nang bagong komunyon na yumayakap at nagliligtas. Nawa’y magliwanag ang mga pamilyang Pilipino sa pagmamahalan, pagkalinga at pagmamalasakit, at magsilbing tanglaw ng lahat ng pamilya sa Asia at mundo. Nawa’y maging mga misyonerong disipulo ng Eukaristiya ang bawat pamilyang Pilipino.