Nagkasundo ang may-ari ng malalaking shopping mall sa EDSA na palawigin ang kanilang operating hours upang bigyan ang publiko ng mas mahabang oras upang makapag-shopping sa gitna ng matinding trapiko habang papalapit ang Pasko.
Simula sa Martes, Disyembre 1, hanggang sa Enero 3, 2016, magbubukas ang mga shopping mall at department store sa EDSA at sa iba pang pangunahing lansangan ng 10:00 ng umaga at magsasara ng 11:00 ng gabi.
Tuwing weekend, karaniwang nagbubukas ang mga establisimiyento ng 10:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi, at 10:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi.
Sa pagpupulog sa punong tanggapan ng MMDA sa Makati City, lumagda sa isang manifesto of support sina MMDA Chairman Emerson Carlos at 15 may-ari ng mga mall sa pagpapalawig ng operating hours ng kanilang establisimiyento upang makaiwas sa trapiko ang mga shopper.
Kabilang sa mga lumagda ang may-ari ng Robinsons, SM Mall, Ayala, Shangri-La Plaza, Farmers Plaza, Gateway Mall, Greenfield Development Corp., Eastwood City, The Podium, Eton Centris at Walter Mart.
Nakasaad din sa manifesto na makikipag-ugnayan ang mga mall owner sa MMDA sa tuwing may gaganaping special event, tulad ng mga sale, promotion, at earthquake drill. (ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN)