Sinimulan na ng Department of Justice (DoJ) noong Biyernes ang imbestigasyon nito sa Mamasapano encounter na ikinamatay ng 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Sa preliminary investigation, itinanggi ng isa sa mga respondent na siya ay miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ito ay nakapaloob sa sworn affidavit ni Pendatun Utek Makakua, na iprinisinta ng abogado ni Makakua na si Carlos Valdez, Jr. sa DoJ Special Panel na nagsagawa ng inisyal na imbestigasyon.
Si Makakua ay isa sa mga diumano’y commander ng MILF na isinama sa mahigit 90 respondent sa kaso.
Nakasaad sa reklamo na si Makakua at si Otik Pundatun, field commander ng 118th Base Command ng MILF, ay iisang tao lamang.
Iginiit ni Valdez na si Makakua ay isang magsasaka at hindi miyembro ng MILF.
Binigyan ng DoJ ang kampo ni Makakua ng hanggang Disyembre 17, 2015 para magsumite ng kanilang sinumpaang counter-affidavit. (PNA)