Natuldukan na ang masasayang araw ng isang 37-anyos na Korean na nagtatago sa Pilipinas at ilang taon nang pinaghahanap ng pulisya sa kanyang bansa, dahil sa paglulustay ng pondo.

Sinabi ni Chief Supt. Victor Deona, director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na naaresto si Hong Sung Hun sa pakikipag-ugnayan ng kanyang unit sa South Korean police.

Pinaghahanap sa Busan, South Korea dahil sa paglulustay umano ng malaking pondo, sinabi ni Deona na Agosto 2011 nang simulan ni Hong ang pagtatago sa Pilipinas.

“Sinentensiyahan siya (Hong) ng isang taong pagkakakulong sa South Korea. Nag-ugat ang kaso nang ibulsa niya ang pambayad sa upa ng apartment na inihabilin sa kanya,” dagdag ng CIDG chief.

Dalaga, pinagtataga umano ama-amahan; umawat na nobyo, sugatan din

Armado ng arrest warrant na inilabas ng korte sa South Korea, sinalakay ng mga operatiba ang pinagtataguan ni Hong sa Quezon City na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

“Kasama siya sa listahan ng wanted persons na may Red Notice sa International Police,” ani Deona.

Inihahanda ng CIDG ang paglilipat sa kostudiya ni Hong sa Bureau of Immigration (BI), na magpoproseso ng deportasyon nito sa South Korea. (Aaron Recuenco)